Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte vs. Facebook

0 121

Sa kanyang lingguhang pahayag sa bansa nitong Lunes, nagbitiw si Pang. Duterte ng ganitong pahayag: “Facebook, listen to me. We allow you to operate here hoping that you could help us also.

Now if government cannot espouse or advocate something which is for the good of the people, then what is your purpose here in my country?”

Nagpapahiwatig si Duterte na maaari niyang ipagbawal ang operasyon ng Facebook, ang dambuhalang social media service na pinakapopular sa buong bansa (at maging sa buong daigdig), kung ipagpapatuloy nito ang mga aksyong hindi kasiya-siya sa kanyang administrasyon.

Sa partikular, idinaraing niya ang paglantad at pagsara ng Facebook kamakailan sa samu’t saring mga pekeng account at pages na pinatatakbo ng militar at pulis na nagpapalaganap ng disinpormasyon kaugnay sa mga organisasyong aktibista.

Ayon sa Facebook, nilabag nila ang patakaran ng kumpanya kontra sa “coordinated inauthentic behavior.” Ibig sabihin, gumamit ang gubyernong Duterte ng mga pekeng Facebook account para lumikha ng ilusyon na may malawak na suporta ng ordinaryong mamamayan sa kampanya nito ng terrorist-tagging at iba pang paninira laban sa mga progresibong organisasyon, tulad ng Bagong Alyansang Makabayan at Makabayan bloc sa Kongreso.

Kinumpirma ng Facebook ang matagal nang tinutuligsa ng mga aktibista – na binubuhos ng administrasyong Duterte, sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ang tauhan, pondo, at rekurso ng gubyerno sa kampanya ng paninira, gamit ang social media at iba pang daluyan ng komunikasyon, laban sa mga progresibong organisasyon, upang takutin at patahimikin ang mga ito.

May mga dokumentadong kaso na nag-uugnay sa terrorist-tagging ng gubyerno at pagpaslang sa mga indibidwal na aktibista.

Wasto at nasa kapangyarihan at karapatan ng Facebook bilang pribadong kumpanya ang pagpapasara ng mga pekeng account ng pulis at militar.

Nais igiit ni Duterte na hindi maaaring ipagbawal ng Facebook ang ganitong mapanlinlang na gawaing propaganda ng kanyang administrasyon.

Maihahalintulad sa pagpapasara niya sa ABS-CBN ang kanyang banta laban sa Facebook. Muli niyang ginagamit ang argumento na “biased” o may pagkiling ang Facebook (sa Kaliwa o oposisyon, umano). Mabilis ang tugon ng kanyang maaasahang alyado sa Kamara.

Inanunsyo ni Speaker Alan Peter Cayetano (sa kanyang Facebook account!) na iimbesitgahan ang Facebook ng Kamara matapos nilang ipasa ang badyet para sa 2021.

Ngunit kailangang maghunos-dili si Duterte sa kanyang banta na ipagbabawala ang Facebook sa Pilipinas.

Hindi ito maluwag na tatanggapin ng milyun-milyong Pilipino na umaasa sa Facebook mahalagayang daluyan ng impormasyon at pang-araw-araw na komunikasyon. Kabilang rito ang mga pamilyang OFW; mga estudyante at guro; mga online seller at negosyante; maging ang mga panatikong tagasuporta ng administrasyon na nakadependa sa Facebook para sa kanilang kabuhayan bilang mga bayarang troll.

Ating subaybayan: titindig ba, o titiklop, ang Facebook sa harap ng panggigipit ni Duterte?

Leave A Reply

Your email address will not be published.