Abante Tonite Interactive

Duterte walang konek sa Sereno ouster — Palasyo

0 2,259

Walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakatalsik sa puwesto ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ang pinanindigan ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo bilang tugon sa bintang ng kampo ni Sereno na si Pangulong Duterte ang nagmaniobra umano para maalis sa puwesto ang dating punong ma­histrado.

Sinabi ni Panelo na wala sa karakter ni Pa­ngulong Duterte na makialam sa panloob na usapin ng mga departamento ng gobyerno, kaya’t mas lalong hindi ito makikialam sa ibang sangay ng pamalahalaan.

“Alam mo, out of character sa Presidente ang nakikialam diyan sa ganiyang bagay. Unang-una, ni hindi nga siya nakikialam sa kaniyang mga departamento, sa kaniyang mga Cabinet members; eh lalo na sa ibang sangay ng gobyerno. Walang kinalaman si Presidente diyan,” ani Panelo.

Matatandaang nagpanting ang Pangulo nang direktang akusahan siya ni Sereno kaya’t sinabi nito na isa na siya sa kanyang mga kaaway.

Nauwi sa ‘word war’ ang sagutan ng Pangulo at Sereno na lalong nagpainit sa isyu ng impeachment at quo warranto petition na siyang nagpatalsik sa kanya sa puwesto.

Sinabi ni Panelo na kahit ano pang paglala­rawan ang gawin ng oposisyon sa pagkakaalis ni Sereno sa puwesto, malinaw ang dahilan na hindi nito nasunod ang mga requirements bago naupo sa puwesto.

“Eh itong si Chief Justice Sereno, napakada­ling aprubahan kasi do­cumentary ang evidence. It’s as simple as did you file or did you not? Eh kasi kung wala kang maipakitang finile, o di tapos na ang kuwento hindi ba?,”dagdag pa ni Panelo.