Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte werpa ‘di ubra sa kurakot cong

0 138

Walang kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan o pangalanan sa publiko ang mga kongresistang nangumisyon at kumita sa mga protekto ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang regular na mensahe sa bayan matapos iparating sa kanya ni Commissioner Greco Belgica ng Presidential Anti-Crime Corruption (PACC) na mayroon na silang listahan ng mga kongresistang sangkot sa katiwalian sa mga government projects.

Ayon sa Pangulo, ang mga kongresista ang kumukuha ng contractors para sa kanilang proyekto at dito sila aniya kumukuha mg kickbacks.

Wala aniya siyang hurisdiksiyon para paimbestigahan ang mga kongresista dahil sila ay kabilang sa hiwalay na sangay ng pamahalaan.

“I have no business investigating congressmen. They belong to a separate organ of government, which is co-equal with the President pati ang Supreme Court,” anang Pangulo.

Dahil dito, sinabi ng Pangulo na ibibigay niya sa Department of Justice (DOJ) ang listahan para i-review at siyang mag-endorso sa Office of the Ombudsman.

“I will give it to the Secretary Guevarra for him to make the proper endorsement to the Ombudsman,” dagdag ng Pangulo.

Ang pagkakasangkot umano ng ilang kongresista sa kickbacks ay natisod ng PACC matapos imbestigahan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na isa sa binansagan ng Pangulo na pinaka-corrupt na ahensiya ng pamahalaan.

Ayon pa sa pangulo, wala siyang pinagtatakpan sa mga kongresista at bago pa man umano mabigyan ng maling kahulugan ang hindi nito pag-iimbestiga sa isyu giniit niya, “I do not have jurisdiction, hindi sabihin akoy natatakot o may kino-coveran ako na Congressman, wala. Wala.”

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bilang patunay na seryoso ang pangulo sa kampanya kontra katiwalian nasa 300 na ang opisyal at kawani ng gobyerno ang sinibak sa serbisyo dahil sa katiwalian. Karamihan dito ay mula sa Bureau of Customs, Bureau of Immigration at ang Bureau of Internal Revenue. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.