Abante Tonite Interactive

Duwag ka, Joma! Tigilan ang kahibangan mo — Año

0 352

“Duwag ka Joma (Sison)! Sumisikip na ang mundo mo! Malapit na ang araw nang pagtutuos para sa mga kasalanang ginawa mo sa ating bansa at sa mga biktima ng Inopacan massacre!”

Ito ang banta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año laban kay exiled Communist Party of the Philippines (CPP) leade­r Joma Sison.

Ayon kay Año, dapat tigilan na ni Sison ang paghahalusinasyon sa pagsasabing protektado siya ng ‘self-imposed exile’ sa Netherlands at hindi siya maituturing na ‘political refugee’.

“Ang isang kriminal ay hindi kailanman puwedeng ituring na poli­tical refugee. Ang isang mass murderer ay hindi puwedeng maging refugee. Buking ka na, Joma, kaya panagutan mo ang mga kasalanan mong pagpatay sa mga kapwa mo Pilipino,” giit ni Año.

Aniya, wala nang rason pa para kanlu­ngin pa ng Netherlands si Joma dahil ang Pilipinas at ang European Union (EU) mismo kung saan kasapi ang Nether­lands ay nagsasabing isang terrorist organization ang CPP na pinamumunuan ni Sison.

“Ang ibig sabihin si Sison ay isang terorista na hindi kailangan binibigyang proteksyon ng kahit sinumang gobyerno. Tinatrabaho na namin ang ekstradisyon niya,” ani Año.

Sinabi pa ni Año, hihingi sila ng special arrangement sa Dutch government para mapabalik sa bansa si Sison at panagutan ang kanyang mga kinakaharap na kaso.

“On the grounds that his ‘refugee status’ is no longer tenable because he participated in the commission of crimes and other criminal acts as determined by the Regional Trial Court, which renders him effectively ineligible,” ayon pa sa DILG chief.

Matatandaang si Sison at 37 iba pa ay ipinaaaresto ng hukuman kaugnay sa mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa masaker na naganap na Inopacan, Leyte noong 1985.

Si Sison at kanyang asawang si Juliet Sison, na subject rin ng natu­rang warrant of arrest, ay nag-self-exile sa The Netherlands may tatlong dekada na ang nakalilipas.

Naniniwala ang kalihim na patuloy pa ring nagbibigay ng utos si Sison sa “terrorist forces” sa bansa, sa pamamagitan nang paglalathala ng kanyang mga paha­yag na nag-aatas sa CPP at NPA na pumatay at mandambong sa Pilipinas.

Nabatid na nakiki­pag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa Iinterpol para sa paglalabas ng Red Notice sa pag-aresto kay Sison, na nagsisilbing valid request para sa provisional arrest.

“We have referred the warrant issued by the Manila Regional Trial Court to Interpol for publication of a Red Notice which is defined as a request to law enforcement worldwide to locate and provisionally arrest a person pending extradition, surrender, or similar legal action. Once the Interpol publishes a Red Notice, Joma Sison becomes a wanted man all over the world,” dagdag pa ng opisyal ng DILG.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na makikipag-ugnayan ang gobyerno sa The Ne­therlands para i-revoke ang refugee status para makabalik na sa bansa si Sison. (Dolly Cabreza/Aileen Tali­ping/Prince Golez)