Abante Tonite Interactive

Duwende huli sa aktong nagluluto

410

Mga ka-Misteryo, ano ang gagawin niyo kapag naka­kita kayo ng duwende sa inyong bahay? Kayo ba ay matatakot?

‘Yan ang ating paksa nga­yon: ‘Basta may Misteryo, alamin ang totoo!’
Tinamaan ng lagnat si Roma ng Tondo at hindi muna pumasok sa trabaho kaya mag­hapon siyang nasa higaan at palaging tulog para makapagpahinga bagaman kumakain siya para makabawi ng lakas.

Kasarapan na ng tulog ng mag-anak nang biglang magi­sing si Roma ng alas-tres nang madaling-araw dahil may na­ririnig siyang kumakalansing sa kusina na parang may nagluluto.

Nagtaka lang siya dahil sobrang aga naman magluto ng kanyang kapatid na papasok sa trabaho. Pinakiramdaman niya kung papasok sa kanyang si­lid ang kapatid pero wala.

May naulinigan si­yang parang nag-uusap sa kusina pero nagtataka siya sobrang liit ng boses at matinis. Kaya pinilit niyang buma­ngon para silipin ang kusina sa pangambang napasok sila ng magnanakaw.

Nagulat si Roma nang makita niya sa kusina ang dalawang maliliit na nilalang na nagluluto. Ipinagtapat ni Roma ang kanyang nakita sa #TeamMisteryo.

Team Misteryo: “Anong nakita mo? Anong hitsura nila? Mabuti hindi ka nila nakita o ‘di man kaya hindi ka sinaktan.”

Roma: “Nagtago ako sa likod ng pintuan, sumilip lang ako. Parehong makulay ang kanilang kasuotan. ‘Yung babaeng duwende ay nakapula habang ang kasama niyang lalaking duwende ay nakaasul.

Team Misteryo: “Hindi ka ba nila napansin habang sinisilip mo sila? ‘Di ba dapat na­ramdaman nila ang presensya mo?”

Roma: “Mukhang naram­daman nga nila ako. Pali­ngon-lingon sila habang nagluluto pero hindi ako nagpakita. Sayang lang hindi ko naalala na kunan sila ng video o litrato pero ewan ko lang kung tatalab ba sa kanila ang pitik ng camera.”

Team Misteryo: “Anong sumunod na nangyari? Nag-try ka bang kausapin sila?”
Roma: “‘Yun na sana ang gagawin ko nang bigla silang naglahong parang bula.”

Kitang-kita sa mukha ni Roma ang panghihinayang pero masaya na siya at nakita niya ang totoong hitsura ng mga duwende.
***
Para sa inyong mga totoong kuwentong karanasan ng kababalag­han at Misteryo, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.