Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dyowa nakipag-chat sa Hapon, sinaksak

0 126

Selos ang sinasabing dahilan sa pamamaslang ng isang 51-anyos na mister sa kanyang misis sa loob ng kanilang bahay sa Mandaue City, Cebu, Sabado.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Hazel Haynar Manata, 41, matapos itong pagsasaksakin umano ng kanyang mister na si Jun Manata, sa loob ng kanilang bahay sa Semense Compound, Barangay Tipolo.

Ayon kay P/EMSgt. Remegio Arciaga ng Subangdaku Police Station, naganap ang insidente dakong ala-1:05 ng madaling-araw matapos magtalo ang mag-asawa hinggil sa pakikipag-chat umano ng ginang sa isang Hapones.

SM food to go Banner Ad

Dahil pangkaraniwan na sa mga kapitbahay ang pag-aaway ng mag-asawa ay hindi na nila ito pinansin subalit makalipas ang ilang saglit ay nakarinig sila ng malakas ng sigaw ng ginang at kasunod na kalabugan sa loob ng bahay dahilan upang humingi na sila ng responde sa pulisya at barangay.

Makalipas ang ilang minuto, pinasok ng mga barangay tanod at ilang pulis ang bahay ng mag-asawang Manata. Bumungad sa kanila ang wala nang buhay na si Hazel na naliligo sa sariling dugo at tadtad ng saksak sa katawan.

Naaresto naman si Jun na kusang-loob na sumama sa pulisya habang nakuha sa lugar ng insidente ang 15-pulgadang kutsilyo na ginamit sa pagpatay. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.