Abante Tonite Interactive

Dyowa ng aktres mahilig makipaglandian sa babae

0 508

Kaligayahan ng isang kilalang aktres ang hangad ng kanyang mga tagasuporta.

‘Yun din ang hiling ng kanyang mga kapwa artista, ang personal happiness niya, dahil ilang beses na siyang nabigo sa pakiki-pagrelasyon.

 

Dasal ng marami na sana nga ay natagpuan na niya ang lalaking maghahatid sa kanya sa altar, harinawang ito na ‘yun, para maging maligaya na ang pamosong aktres.


Pero hindi maiaalis ang pag-aalinlangan, may mga nag-aalala para sa magandang aktres, baka raw pagsisihan lang niya ang napakahala-gang desisyon na gagawin niya sa kanyang buhay.

 


Isang source ang nagkomento, “May paka-playboy kasi ‘yung guy. Mahilig siyang makipag-flirt sa mga girls. Kahit tanungin n’yo pa ang mga ex nu’ng guy, ‘yun ang palaging reason ng break-up nila.

 


“Kaya nakakaawa naman si girl kung ganu’n din ang mangyayari sa kanya, ‘di ba? May mga nakakakita kasi sa guy na kahit may karelasyon na siya, e, parang wala lang sa kanya ‘yun!

 


“Mapera kasi, kaya madali lang para sa kanya ang pakikipag-flirt sa ibang babae, may bala siya, makukuha niya talaga agad ang nilalandi niyang girl!” sabi ng a-ming impormante.

 


Napakaseryoso pa naman sa pakikipagrelasyon ng maganda at mahusay na aktres. Hindi na siya tumitingin sa iba kapag nakasangla na ang puso niya sa lalaking mahal niya.

 


Patuloy ng aming source, “Huwag naman sana, pero talagang nakakaawa ‘yung girl kapag ganu’n pa rin ang kartada nu’ng guy. ‘Yun din ang naging cause ng hiwalayan nila ng isang female personality, kaya nga matindi ang hugot nu’ng babae kapag ang past nila ang napag-uusapan, ‘di ba?

 


“Sana nga, huwag siyang magkamali sa decision niya, huwag na huwag naman sana, she deserves to be happy,” napapailing pang pagtatapos ng aming source.

 



Commercial gap ng ‘It’s Showtime’ abuso

 

 

Hindi lang paminsan-minsan kaming nakakatanggap ng pagpuna tungkol sa napakahabang commercial gap ng It’s Showtime. Napakaraming nagrereklamo.

 


Hindi na kami lalayo pa, kami man ay inip na inip kapag commercial gap ng noontime show, puwede kaming maglaba. Tapos na kaming maglaba at magsasampay pero puro patalastas pa rin ang laman ng programa.


Pero ang pinakamatindi ay ang inorasang commercial gap ni Japs Gersin nu’ng nakaraang Biyernes, ito ang kanyang reklamo na karapatan naman ng manonood, dahil sila ang nagbabayad ng nakokonsumo nilang kuryente.

 


Komento ni Japs, “Grabe po sa haba ang commercial gap ng Showtime!

 

Pagkatapos nilang i-announce ang daily winner ng TNT, nag-cue sila ng commercial nang 1:45pm. Bumalik sila nang 2:30pm na. 45 minutes! Jusko! Abuso!”

 


Sobra pa nga naman sa pagiging abuso ang ganu’ng haba ng patalastas, kuwarenta’y singko minutos, mabuti na lang at sa pagbabalik nila sa himpapawid ay may mga matiyaga pang nanood-naghihintay sa kanila!

 


Sa pagkakaalam namin ay may kumokontrol sa mga patalastas, bibigyan lang ang bawat programa ng sapat na minuto para sa pagpapalabas nila ng kanilang commercial spots, kinukunsinti na ba ngayon ang halos isang oras na commercial gap?

 


Kaya kapansin-pansin tuloy na pagkatapos ng pagkahaba-habang pahinga ng mga hosts ng It’s Showtime, sa kanilang pagbabalik ay bumabagsak na ang kanilang energy, rektahan na nga naman dapat ang takbo nila ay balik na naman sila sa primera kumbaga sa sasakyan.

 


Isang kaibigan naman namin ang nagkomento, “Ang inaabangan ko lang namang segment nila, e, ang TNT. Pagkatapos nilang i-announce ang daily winner, nanonood muna ako ng Eat… Bulaga, bumabalik na lang ako uli sa It’s Showtime kapag naglalaban na ang daily winner at ang defending champion.


“Napakahaba kasi ng commercial gap nila, nakakainis, kaya kesa sa masayang ang kuryente ko, nanonood muna ako ng kalaban nila!” sabi ng aming kumare.


Makarating sana sa pamunuan ng noontime show ng ABS-CBN ang mga ganitong reklamo ng ating mga kababayan. Alam naman natin na sa mga commercial spots nila kinukuha ang lahat ng mga gastusin para sa show.