Abante Tonite Interactive

Dyowa ng magaling na aktor, epal

448

Pinagkuwentuhan ng isang grupo ang non-showbiz girl na karelasyon ngayon ng isang kilala at magaling na aktor. Palagi kasi itong naba-bash, at sumasagot ang girl, kaya humahaba ang kuwento.

Mainit tuloy sa kanya ang mga tagasuporta ng female personality na dating karelasyon ng aktor, maepal daw kasi ang kanyang girlfriend ngayon, kaya palagi itong kumakain ng ampalaya.

Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Dapat, pinagsasabihan ng male perso-nality ang girlfriend niya na manahimik na lang. Kaso, maeksena rin ‘yung non-showbiz girl, kuda nang kuda!

Abante Hiring – IT dep

“Ano naman ang laban niya sa mga fans ng ex ni male personality, e, sangkatutak ‘yun na talagang sanay sa ganyang mga away? Naku, naghahanap lang siya ng sakit ng katawan, sa totoo lang!” unang hirit ng source.

Bukod sa pagiging magaling na aktor ay mabait ang male persona-lity. Mukha lang siyang mailap at suplado pero wala siyang masamang buto sa katawan.

Sabi naman ng isang impormante sa umpukang nagkukuwentuhan, “Naku, wala kang masasabi sa male personality na ‘yun. Napakabait niya, edukado, saka wala siyang pinipintasang kahit sinong kasamahan niyang artista.

“Lahat, okey sa kanya, wala siyang inaaway, hindi siya makuda, pero diretso ang dila niya, ha? Kapag meron siyang gustong sabihin, e, walang makapipigil sa kanya!

“Napakaprangka niya na kailangan din naman paminsan-minsan, kasi nga, sumosobra naman ang pagbira sa kanya ng ibang grupo d’yan. Pinalalabas kasi siyang paasa, samantalang hindi naman, kundi talaga lang na hindi nag-prosper ang relasyon nila ng kababata niyang female personality.

“Hindi naman niya puwedeng ipanahimik lang ang ganu’ng bintang dahil ginawa niya naman ang lahat-lahat, pero hindi lang sila nag-succeed,” pagtatapos ng aming source.

Kathryn walang yabang sa katawan

Bihirang-bihira kaming manood ng pelikulang lokal. Pero inaabangan namin ang kanilang video, sa bahay lang kami nanonod, umay na umay na kasi kami sa sobrang higpit ng traffic na araw-araw naming nararanasan papunta sa trabaho.

At bibihira rin kaming magkainteres sa mga trailer ng pelikula na halos magkakapareho lang, naiba lang ang mga karakter, pero ang tema ng kuwento ay walang ipinagkaiba.

Pero ewan kung bakit kapag ang trailer na ng Hello, Love, Goodbye ang ipinalalabas ay humihinto kami sa pagtatrabaho, sinisimulan at tinatapos namin ang patikim na mga eksena nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, interesado kami sa kanilang pelikula.

Alam namin ang dahilan kung bakit. Pangalawa na lang ang ikot ng kuwento para sa amin, ang mas una ay ang pagpapahalaga namin kina Alden at Kathryn, dalawa sa mga personalidad na hinahangaan namin ang ugali.

Si Kathryn Bernardo para sa amin ang pinakanangungunang aktres sa kanyang hanay, panahon ngayon ng dalagang aktres, pero kahit bahagyang pagyayabang ay hindi mo mararamdaman sa kanya.

Maganda ang pagpapalaki kay Kathryn, bitbit niya ang disiplinang ‘yun hanggang ngayong dalaga na siya, palagi ang pagpapaalala kay Kathryn ng kanyang mga magulang na sinuwerte man siyang sumikat ay ordinaryo pa rin siya.

Doble ang interes sa KathDen

Ang pagiging mapagkumbaba ni Alden Ri-chards, sa kabila ng kanyang popularidad, ay hiling namin na maging isang sakit sanang makapanghawa sa kanyang mga kasamahang artista.

Kinakikiligan si Alden, paborito siya ng ating mga kababayan, pero ang Alden na nakilala ng kanyang mga kasamahan nu’ng nagsisimula pa lang siyang manirador ng puwesto sa showbiz ay siya pa ring Alden na nakakasalamuha nila n­gayon.

Walang kaere-ere, nananatiling humble, mapagpahalaga sa lahat ng mga taong naging hagdan niya sa tagumpay. Pareho lang sila ni Kathryn na may magandang breeding.

At kapag kilala mo nang personal ang mga gumaganap sa isang pelikula ay doble ang interes mo sa kanila. Pangako, panonoorin namin sa sinehan ang Hello, Love, Goodbye sa July 31, peksman-sumpa man.