Abante Tonite Interactive

DZRH pasabog ang ika-80 anibersaryo

271

Ipinagdiwang kamakailan ng Manila Broadcasting Company ang ika-80 anibersaryo ng DZRH.

Bibigyang-diin ng istasyon ang pagi­ging handa nitong sakyan ang hamon ng teknolohiya sa panahon ng social media, habang tinatanaw pa rin ang tagumpay na inani nito sa loob ng walong dekadang pagsasahimpapawid sa radyo.

Nagsimula ang DZRH bilang news and music station ng Heacock Department Store sa Escolta noong 1939. “Live” lahat ang pag-awit sa radio noon, at regular na itinampok sa himpapawid ang ilang mga bituin ng telebisyon at pinilakang tabing. Halos lahat ng uri ng programang kina­gisnan ng kabataan sa telebisyon ngayon ay itinampok na sa DZRH noon, gaya ng mga singing competition, mga quiz show, spelling contest, at maging mga sitcom tulad ng sikat na Tang-ta-Rang-Tang. Sa istasyong ito rin nagsimula ang mga drama sa radyo, sa pangunguna ng “Gulong ng Palad” na nilikha ni Lina Flor noon pang 1949. Bukod sa popular na programa ng yumaong si Tiya Dely, ilan pa’ng mga palatuntunan ng DZRH ang isinalin rin sa pelikula at tinangkilik ng madla.

Pero sa larangan ng pagbabalita at public service, sadyang nakaukit sa puso ng sambayanang Pilipino ang DZRH. Ang kanilang mga komentarista tulad ng mga yumaong Joe Taruc, Louie Beltran, Paeng Yabut ay naging bahagi ng pagbubunsod ng mga pagbabago. Ito’y sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon mula pa sa panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon hanggang sa kasalukuyan. Nangunguna at inaasahan din ang DZRH ng ordinaryong mamamayan, lalo na ng mga mahihirap o biktima ng iba’t ibang kalamidad at karahasan, sa ilalim ng Operation Tulong.

Kaya’t sa malaking pagdiriwang ng kanilang ika-80 taon sa himpapawid, magkakaroon ng job fair sa SM Megatrade Hall sa ika-24 at 25 ng buwan bilang tulong sa mga nangangailangan ng trabaho. (RFC)