Abante Tonite Interactive

E-power sa trapik matagal pa bago maramdaman

By
8

Matagal pa bago maramdaman ng mga motorista ang pagluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila kahit na aprubahan agad ng Senado ang emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang ipinahayag ni Sen. Grace Poe upang hindi lubusang umasa ang taumbayan na agad luluwag ang daloy ng sasakyan sa EDSA at iba pang kalsada sa Metro Manila kapag naaprubahan ang extra power ng Pangulo.

“Yung ating mga kababayan kahit ibigay po natin bukas hindi po ninyo mararamdaman ang solusyon sapagkat magtatayo pa po tayo ng mga infrastructure,” paliwanag ng chair ng Senate committee on public services.

Nakiusap naman si Poe sa gobyerno na pa­tuloy na maghanap ng solusyon para lumuwag ang daloy ng trapiko kahit wala pang e-power.

Aniya, ang implementasyon ng ‘no window hour’ at ‘weekend sale’ sa shopping mall ay nakatulong sa pagbawas ng sasakyan sa EDSA.

Tiniyak din ni Poe na kahit may timetable siyang paaaprubahan sa Senado ang emergency power sa Disyembre, patuloy niyang ido-double check ang mga probisyon nito upang masiguro na hindi malulubog sa utang ang mga Pinoy sa proyektong hindi pakikinabangan.