Abante Tonite Interactive

Easter message ni Cardinal Tagle: Tuklasin ang kapangyarihan ng pag-ibig

199

Hinamon ni Manila Archbi­shop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na tuklasin ang kapangyarihan ng pag-ibig sa pamamagitan ng paglaban sa kasamaan.

Sa kanyang mensahe sa Linggo ng Pagkabuhay kahapon, sinabi ng Arsobispo na tila nawawala na at hindi na madama ang pag-ibig sa mundo dahil sa lumalaganap na mga problema tulad ng kagutuman, kawalan ng hanapbuhay, pagkalulong sa masamang bisyo, labis na pagkamuhi, pang-aabuso, ma­ling pagpaparatang, korapsyon at pagpatay.

Sa kabila nito ay naniniwala pa rin naman umano siya na kaya pa itong labanan at tapatan ng mga natitirang munting gawain ng kabutihan.

Aniya, naghahatid ng pag-asa ang personal na pagpapadama ng pag-ibig at pagkalinga sa kapwa.

Idinagdag ni Tagle na malalim ang kahulugan ng pag-ibig at hindi ito basta natatapos lang sa pagiging salita.

“Love is not just a word, it’s a lifestyle of seeing, encounte­ring and understanding other people,” ani Tagle.

Pinaalalahan din ng arsobispo ang mga Pilipino hinggil sa pagi­ging mapagkumbaba at matulu­ngin sa kapwa.(Mia Billones)