Abante Tonite Interactive

Ebidensiya laban sa bayaw ni Leni, importante — Roque

By
981

Inaasahan na ng Malacañang na gagamiting depensa ang political persecution sa pag-uugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bayaw ni Vice-President Leni Robredo sa iligal na droga sa Naga City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naniniwala siyang may sapat na impormasyon si Pangulong Duterte laban sa bayaw ng Bise Presidente kaya niya ito inihayag sa publiko.

Handa aniya ang Presidente na ilabas ang hawak na impormasyon lalo na kung mayroon ng gagawing imbestigasyon ang mga awtoridad.

“Inaasahan natin na magkakaroon ng imbes­tigasyon. Kaya nga lang, sasabihin na naman na political persecution dahil kamag-anak ng Vice-President. So ang importante talaga ay maisiwalat ang ebidensiya ng sa ganon ay makita ng sambayanan kung anong mayroong ebidensiya sa brother-in-law,” ani Roque.

Sa talumpati ng Pa­ngulo sa Cebu city noong Huwebes ay sinabi nitong ang bayaw ng bise presidente ang pinagmulan umano ng shabu sa Naga City.

Nauna ng itinangi ng kampo ni Robredo ang alegasyon ng Pangulo laban sa kanyang bayaw, pati na sa pagtawag ng Presidente sa Naga City na hotbed ng shabu.