Abante Tonite Interactive

Ebuen deliber ng 16 pts, Arellano ayaw papigil

OTSO-DERETSO!

By
0 113

Tuloy-tuloy ang pag-alagwa ng Arellano University (AU) Lady Chiefs sa women’s volleyball ng NCAA Season 94 sa pagkakataong ito sa ragasa ni Nicole Ebuen.

Napanatili ng Lady Chiefs ang malinis na 8-0 record sa eliminations nang ligwakin sa apat na set ang University of Perpetual Help System Lady Altas, 18-25, 25-16, 25-19, 26-24 Huwebes sa The Arena sa San Juan City.

Isang panalo na lang ang kailangan ng AU para mawalis ang eliminations at agarang makalusot sa best-of-3 finals ng liga.

“‘Yun talaga ang plano namin this season, mas maganda ‘yung nakatungtong ka na sa Finals (tapos) mag-aabang ka na lang kung sino ‘yung makakalaban talaga,” wika ni Legarda-based squad coach Obet Javier.

“Pero meron pa kaming game, ibang usapan din kasi ‘yung sa Beda. Alam mo naman ‘yung Beda caliber nila, so bukas sa practice namin babalikan lang namin ‘tong game sa Perpetual tapos game plan na kami papuntang Beda.”

Nanguna para sa Lady Chiefs si Ebuen na pumalo ng 16 na puntos, sa likod ng 12 attacks at apat na blocks habang bakas si Regine Arocha ng 11 puntos.

Sa dikdikang fourth set, lumaban ang Perpetual at naitabla sa 24 ang laro para maipuwersa ang decider pero agarang naiangat ni Ebuen ang iskor at sa isang attack error mula kay Cindy Imbo naiuwi ng Arellano ang ikawalong sunod na panalo.

Bagsak sa 4-3 ang baraha ng mga volleybelle sa Las Pinñas at nanga­nganib pa ang puwesto sa final four kung hindi maipapanalo ang huling laro.

Sa unang laro naman, nasungkit na ng Colegio de San Juan de Letran Lady Pirates ang ikalawang panalo nang itumba ang Mapua University Lady Cardinals, 14-25, 26-24, 23-25, 25-17, 15-13.