Abante Tonite Interactive

ECSTASY SUPPLIER KUMANTA NA

By
28

Isang dating intelligence officer ng US Air Force ang nadakip at umamin na mula sa Mia­mi, Florida sa USA niya nakukuha ang party drugs o ecstasy na sinasabing isinusuplay nito sa iba pang naaresto na nagbabagsak naman umano ng nabanggit na illegal drugs sa ilang high end bars at clubs.

Nakilala ang nadakip na si Raul Antonio Cisneros, 32, American national at pansamantalang naninirahan sa Unit 4G 4th Floor Building Tuscany Condominium McKinley Taguig City.

Kahapon, dakong alas-4:30 ng hapon, iprinisinta sa mga mamahayag nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Oscar Albayalde at Southern Police District (SPD) Director Sr/Supt. Tomas Apolinario si Cisneros kasama dalawa pang nahuling suspect na sina Auriane Brian Combe, alyas Brian, naninirahan sa Acacia St. Brgy. Ususan, Taguig City at Patrick Wayne Tandez ng 160 Legaspi Village Makati City.

Nauna nang naaresto ang isang nagpakilalang nurse na si Kenneth Santillan, alyas ‘Drew’ noong Setyembre 10, dakong alas-10:00 ng gabi sa harap ng F1 Hotel na matatagpuan sa 32nd St. corner Lane A Bonifacio Global nang nasabing lungsod.

Nakumpiska rito ng mga awtoridad ang 21 pirasong tabletas ng ecstasy na kulay pink at orange.

Ayon kay Apolinario, sa pagkaaresto kay Santillan ay itinuro nito na bumibili siya ng mga ecstasy sa tatlo pang naaresto.

At sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drug (SAID) ng Taguig City Police dakong alas-4:15 ng madaling-araw, nadakip si Combe sa parking lot ng Savemore grocery, Acacia Estate, Brgy. Ususan, Taguig City matapos ma-recover dito ang 33 pirasong ecstasy.

Samantalang ala-1:40 kahapon ng hapon ay nadakip naman si Tandez sa loob ng Family Mart sa Grand Midori Condominium,  Legaspi Village, Makati City matapos itong makumpiskahan ng 100 pirasong ng naturang party drugs.

At bandang alas-dos ng hapon naman nadakip si Cisneros sa kanyang tinutuluyan condominium sa McKinley ng nasabing lungsod na nakumpiskahan ng 1,100 na iba’t ibang kulay na tabletas ng ecstasy na may hugis pang Hello Kitty.

Ani Apolinario, inamin umano ni Cisneros na sa Miami, Florida sa USA nito nakukuha ang mga iligal na tabletas at mayroon siyang supplier doon.

Lumabas na si Cisneros umano ang supplier ng tatlong nadakip na sina Santillan, Combe at Tandez.

Ayon naman kay Albayalde, no bail ang pagkakaaresto sa mga suspect dahil nasa libong mga tabletas ng ecstasy ang nakumpiska sa mga ito.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip.