Abante Tonite Interactive

Eddie Garcia tinik kina Andrew, Janno, Dennis

740

Buong pagmamalaking inihahandog ng VIVA Films ang pagbabalik ng “old-school comedy” sa pelikulang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo”, ang reunion movie nina Andrew E., Janno Gibbs at Dennis Padilla, sa direksyon ni Al Tantay.

Ang kuwento ay iikot kina Andy, Johnny at Dondon na papasok sa mas komplikadong buhay dahil sa panlilinlang.

Nang pumanaw ang milyonaryong si Don Robert Endrinal, natuklasan nina Andy at Dondon (Andrew E. at Padilla) na ang kaibigan nilang si Johnny (Gibbs) ay anak ng yumaong businessman, kaya’t siya ang naging tagapagmana ng naiwan nitong negosyo. Ngunit nang dumating ang magkakaibigan sa mansyon, ang tatamad-tamad na si Johnny ay pinakilala si Andy bilang si Johnny. Ito ay upang matakasan niya ang responsibilidad sa paghawak at pagpapatakbo ng negosyo. Ang masipag na si Andy at ang tusong si Dondon ay nakisakay na lang sa pagpapanggap na ito.

Ngayong namumuhay na sila sa karangyaan at kapangyarihan, hindi rin maiwasang maging habulin sila ng kababaihan. May mga tao rin silang dapat na harapin gaya ng land developer na si Mr. Russel (Eddie Garcia) na gustong angkinin ang hacienda ni Johnny upang gawing casino complex.

Layunin nitong gawing gambling capital ng Pilipinas ang kanilang buong probinsya.

Ano ang gagawin nina Andy, Johnny, at Dondon para maprotektahan ang hacienda at patuloy na maitago ang kanilang lihim?

Hindi makukumpleto ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” kung wala ang love interests na ginagampanan nina Louise delos Reyes, Cindy Miranda, at Vanessa Wright.

Sina Julian Trono, Vitto Marquez at Andrew Muhlach ay gumaganap naman bilang mga batang bersyon nina Andy, Johnny at Dondon.

Noong dekada ‘90, sumikat at nagtagumpay sina Andrew E., Janno at Dennis sa larangan ng komedya. Napatunayan ang kanilang chemistry sa ‘97 film na “Si Mokong, si Astig at si Gamol”. Makalipas ang dalawang dekada, magandang mapanood muli ang kanilang brand of comedy na pumatok sa kanilang mga Gen X fans at gagamitin para aliwin ang mga millennial viewer sa kasalukuyan.

Palabas na ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” sa mga sinehan simula sa September 4. (Roldan Castro)