Abante Tonite Interactive

Eddie nahulog sa entablado

1,104
Dalawang Linggo hindi nakapag-taping si  Eddie Gutierrez sa Cain at Abel dahil naaksidente sa Cebu.
 Nagkaroon ng kasiyahan  dahil kaarawan ni Annabelle   Rama . Nahilingan si Tito Eddie na kumanta at nagpaunlak.
Umakyat ng stage si Tito na may limang talampakan ang taas at doon ay kumanta siya ng isang awitin ni Elvis Presley.
Habang kumakanta ay sinasabayan din siyempre ito ng sayaw ni Tito Eddie, gaya ng ginagawa ng namayapang si Elvis Presley kapag nagpe-perform on stage.
Sa kalagitnaan ng pagkanta ay naramdaman ni Tito Eddie ang sakit sa tuhod na siyang naging dahilan para siya mahulog sa stage na una ang mukha sa batong sahig.
“Nagkakasayahan dahil birthday nga ni Annabelle. Nahilingan ako na kumanta na siyempre pinaunlakan ko naman,” bungad na kuwento ni Tito Eddie sa ginanap na grand presscon ng Cain at Abel bilang si Antonio.
“Sa stage sinasabayan ko rin ng sayaw habang kumakanta. Biglang nakaramdam ako ng sakit sa inoperahan kong kaliwang tuhod. Eh, sa pagsasayaw ko, lahat ng bigat ng aking katawan ay napunta sa kaliwang paa ko kaya nawalan ako ng balance.
“Bumagsak ako sa stage na una ang aking mukha. Limang talampalan ang taas ng stage. Yung binagsakan ko ay bato pa kaya namaga at nagkabukol-bukol ang mukha ko.
“Takbuhan ang lahat nang bumagsak ako at pilit na dinadala nila ako sa ospital.  Pero ayoko, “sabi ko sa kanila, uuwi na lang ako para magpahinga.”
“Nandoon din si Mother Lily (Monteverde) na siyang natataranta sa pagpupunas ng yelo sa aking mukha,” kuwento pa ni Tito Eddie.
“Sa bahay nagpahinga at natulog na lang ako. Kinabukasan na ako nagpa-check na masama raw pala kapag ikaw ay nabagok ang ulo. Dapat ay gising ka muna nang magdamag para maiwasan ang hindi dapat mangyari.
 “Mabuti na lang, walang nakitang diperensiya nang CT scan ang ulo ko. Lahat ay okey at walang nabaling buto sa mukha ko,” patuloy pa ni Tito Eddie.
Binigyan daw si Tito Eddie ng gamot ng kaibigan para sa pamamaga ng mukha. Effective naman dahil nang kausap ko siya sa presscon ng ‘Cain at Abel’ ay nagawan ng paraan ng make-up ang tila maga pa rin niyang mukha.
Malalaman  mo lang na medyo maga pa kung pagmamasdan nang malapitan.