Abante Tonite Interactive

Edited na larawan ng mga sumukong NPA ‘honest mistake’

466

Laman ng balita nitong nakaraang linggo na gumamit ang Philippine Army ng litrato na nabistong peke – inedit sa kompyuter – bilang patunay na sumuko umano sa gobyerno ang 306 na mga rebeldeng New People’s Army sa Masbate City noong ­Disyembre 26.

Mabilis na napansin at binatikos ng mga netizen ang krudong pagtatagpi-tagpi upang mabuo ang pekeng la­rawan na nagpapakita ng isang hilera ng mga “sumuko” sa harap ng mga mahabang armas na isinuko raw nila, na nakahain sa isang mesa.

Napilitang ­maglabas ang 9th Infantry ­Division ng pahayag na humihingi ng paumanhin sa publiko. Ayon sa kanilang tagapagsalita, si Major Ricky Aguilar, “honest mistake” daw ang pagpapalaganap nila ng litrato. ­Totoong may naganap raw na pagsuko. Walang intensyon na linlangin ang publiko. Nais ­lamang daw nilang panga­lagaan ang seguridad ng mga sumuko.

Walang saysay ang paliwanag na ito. Kung hindi ­layuning manlinlang, bakit nagmanupaktura ng pekeng litrato? Kung nais pangalagaan ang seguridad, bakit hindi tinakpan ang mukha ng mga indibidwal na nasa larawan? Malinaw na sa kagustuhang makapuntos sa propaganda – itinaon ang pagpapalaganap ng pekeng litrato sa media sa Disyembre 26, araw ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines – sinagasaan ng Philippine Army ang tungkulin na magsabi ng buo at pawang katotohanan sa mamamayan, sa lahat ng panahon.

Sa totoo lang, may mahabang rekord ng pagsisinungaling sa publiko ang mga puwersang panseguridad ng estado, lalo na upang pagtakpan ang kanilang mga paglabag sa karapatang pantao. Masahol pa, hindi lamang sa hanay ng mga indibidwal na opisyal at sundalo, kundi sa antas ng institusyon ang panlilinlang.

Halimbawa nito ang istoryang “nanlaban” umano ang lahat ng mga pinapatay ng Phi­lippine National Police sa pekeng giyera kontra droga ni Duterte. Gayundin ang awtomatikong paratang ng Armed Forces of the Philippines at PNP na NPA ang nasa likod ng mga extra-judicial ­killing ng mga ­aktibista, o pagtatanim ng granada sa mga aktibistang kanilang inaaresto upang palabasing mga “terorista” sila, at iba pa.

Kung may rekord ng ­pagsisinungaling, ‘di nalalayo ang ­korapsyon. Nalantad kamakailan ang “recycling” ng ­droga na kinasangkutan mismo ng dating hepe ng PNP na si Albayalde.

May badyet na P250 milyon nitong 2019 ang programang E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) ng administrasyong Duterte.
Kabilang sa benepisyo na matatanggap umano ng mga rebel returnee ang P15,000 na Immediate Assistance, P50,000 na livelihood assistance, bukod pa sa firearm remuneration, na may halagang nakabatay sa kondisyon ng armas na isusuko.

May mga ulat na nagsasagawa ang militar ng mga pekeng pagsuko ng mga NPA, gamit ang mga pekeng rebelde at recycled na armas, upang mabulsa ng mga tiwali ang badyet ng E-CLIP. Binuksan ng pekeng litrato ang pagkakataon upang imbestigahan ang usaping ito.