Abante Tonite Interactive

Editorial: Tamang hakbang

11

Tuluyan nang kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang naunang planong pagsasagawa ng mall voting.

Ang pag-atras sa dapat ay mall voting ay ipinatupad ayon kay Comelec chairman Andres Bautista matapos makakuha ng 4-3 boto pabor sa pagbasura sa naunang desisyon ng poll body.

03-28-2016-editNagsagawa ng botohan sa kanselasyon ng mall voting dahil sa mga agam-agam kaugnay sa legalidad ng plano.

Nauna nang nagdesisyon ang Comelec en banc sa botong 6-1 na pumapabor sa mall voting noong Marso 10 pero nagbago ang bilang nang muling pag-usapan kahapon ang mall voting sa botong 4-3 na pabor na sa pagkansela.

Dahil sa naunsyaming mall voting ay madadagdag sa mga polling precinct ang may 231,174 mga botante na naunang nabigyan dapat ng pagkakataong makaboto sa mga malls.

Pero para sa amin, mabuti na rin ang nangyari. Mabuti na rin at napaaga ang pag-anunsyo ng Comelec sa kanselasyon ng mall voting kung magiging problema lamang ito sa idaraos na halalan sa Mayo 9.

Sa ganang amin, naniniwal­a kaming kailangang dumaan sa legalidad ang lahat ng planong may kaugnayan sa halalan sa darating na Mayo upang hindi na magdulot ng dagdag na sakit ng ulo sa poll body bukod pa sa posibilidad na maging isyu ang boto ng mga botanteng boboto sa mga malls.

Kaya saludo kami sa maagap na pagdedesisyon ng Comelec sa usaping ito upang mabawasan na rin ang napakarami nilang isipin­ kaugnay ng idaraos na national at local elections sa susunod­ na buwan.