Abante Tonite Interactive

EDSA mas matrapik sa pagbubukas ng SEAG

242

Inabisuhan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga moto­rista na iwasan munang dumaan sa EDSA na isa sa mga kalsadang pangunahing daraanan ng mga delegado at atleta sa pagbubukas ng Southeast Asian Games (SEAG) sa Nobyembre 30.

Ayon kay MMDA EDSA Traffic head Edison Nebrija, kailangang pagbigyan ang mga convoy ng mga delegado at atleta na magtutungo sa Philippine Arena sa Bulacan buhat sa mga tinutulu­yang hotel sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at Tagaytay City.

Aniya, puwede pa rin namang dumaan sa EDSA ngunit kung maaari ay iwasan lalo na ang northbound mula ala-1:00 hanggang alas-5:00 nang hapon na siyang oras ng pagbiyahe ng mga delegado at atleta.

Iginiit ni Nebrija na ang tagumpay sa paghatid sa mga atleta mula sa mga hotel patungo sa mga lugar na pagdarausan ng pala­ro ay maituturing na maipagmamalaki ng mga Pilipino.

Hindi na umano kailangang dagdagan ang problema sa trapiko dahil sa volume ng mga sasakyan sa iba pang suliranin na napansin sa hos­ting ng bansa sa SEAG.

Nauna nang iniha­yag ng MMDA na magpapatupad sila ng stop and go scheme sa mga rutang daraanan ng mga convoy para sa mas mabilis na biyahe, May 2,000 tauhan ng MMDA ang ikakalat sa mga kalsada na karamihan sa kanila ay magsisilbing human barricade sa yellow lane ng EDSA. (Armida Rico)