Abante Tonite Interactive

Edu nadagdagan ang mga follower

579

Kung hindi ngayon ay bukas magpa-file ng motion for reconsideration ang actor-host at tumatakbong congressman na si Edu Manzano.

Kaugnay ito ng lumabas sa media na disqualification case umano niya na isinampa ng 2nd division ng Comelec, na ayon sa kampo ni Edu ay hindi pa final and executory.

Nilinaw ito ng abogado ni Edu na si dating Comelec Chairman Atty. Sixto Brillantes.

At dahil sa darating na Lunes na ang eleksyon, hindi talaga ‘yon maaaring maging final, so legitimate candidate pa rin si Edu. Publicity lang aniya ito para i-mislead ang mga tao.

Ayon pa kay Atty. Brillantes, nanalo na si Edu nu’ng 1998 at sinabi ng Supreme Court na Filipino citizen ito. All the time ay dine-declare daw ng aktor na ito ay natural-born Filipino bilang ang mga magulang nito ay parehong Pinoy.

Ganito raw ang eksaktong ginawa sa kanya nu’ng May 7, 1998. Kinasuhan siya, tapos ay nanalo siya sa eleksyon bilang vice mayor ng Makati. 21 years later ay inulit na naman ito.

Kinukuwestyon ng kampo ni Doods kung bakit ilalabas ito 4 to 5 days before the elections samantalang October 2018 pa siya nag-file ng kandidatura sa pagka-congressman ng San Juan.

Aniya, napag-alaman nila na ang nag-file ng nasabing petisyon ay campaign manager ng kalaban niya sa pagka-kongresista. Sa last two surveys daw kasi ay lamang na siya sa katunggali niya.

At dahil sa pagputok ng isyung ito, sa totoo lang ay mas nadagdagan pa raw ang followers ni Edu sa Facebook, Instagram at Twitter. Nag-increase by the thousands.

Ang mga rally raw nila ngayon ay lalong nadagdagan ng tao, kasi lahat ay gustong malaman kung talagang hindi siya makakatakbo.

“I just felt bullied. You know, I would never think that I will be bullied at the age of 63,” sambit ng batikang aktor at TV host.

Kung kay Lucas Cabrera (notorious na Vice Presi- dent character niya sa “Ang Probinsyano”) ginawa ang gano’n, ano kaya ang magiging reaksyon nito?

“Kay Lucas Cabrera? Naku, may isa, pangalawa, pangatlong yugto ‘yan. Walang tigil, walang humpay ‘yan!” nakangiting bulalas ni Edu.
***

Jessy ayaw gamitin sa kampanya

May paliwanag si Edu Manzano kung bakit hindi niya maisama sa kanyang kampanya ang anak niyang si Luis Manzano.

Aniya, ‘pag dinala niya kasi sa isang barangay si Luis, baka magtampo ‘yung ibang lugar kung hindi niya dadalhin din doon si Luis.

Kaya sa malala-king rally na lang daw nila gaya ng miting de avance sila nag-iimbita ng mga bisitang celebrity. At saka maliliit daw ang mga lugar, so hindi rin ganu’n kadaling magdala ng mga artista.

Si Coco Martin ay itinaas ang kamay ni Doods at meron siyang tarpaulin nito.

Ang girlfriend ni Luis na si Jessy Mendiola, hindi ba nag-offer na mag-campaign for him?

“‘Yun ang ayokong gamitin, ‘yung relationship factor,” mabilis na reaksyon ng fadir ni Luis.

Eh kung mag-volunteer?

“Yeah, kung mag-volunteer, sige, tatanggapin ko. Pero minsan, nahihiya rin ako.”

May humirit kay Doods kung nagbigay pa ng financial support si Jessy para sa kampanya niya.

Sagot nito, “Grabe si Jessy mamigay, ha? Si Jessy Mendiola ang nagpondo ng aking buong kampanya.

“Grabe, tawag nang tawag! ‘Tito, go, go, go, ah? Anong kailangan mo?’” napapangiting dayalog ng palabirong aktor.

Papa Doods daw ang tawag ni Jessy sa kanya at ang tanong nito ay, “Papa Doods, kailangan mo ng pera?”

Sosyal! Galante pala si Jessy, huh?

“Oo, grabe! At saka ang sabi niya, ‘Kung saka-sakaling papalarin ka, Daddy-Yo, ako na ang gagastos ng renovation ng opisina mo sa Kongreso,” natatawang pang-eeklay pa sa amin ni Doods.

Dahil doon ay may pa-cool na hirit pa si Doods sa nobya ni Luis na, “Jessy, you’re the best!!” with matching hand gesture na ang lakas maka-millennial.