Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Edukasyon tungo sa muling pagsigla ng ekonomiya

0 333

Masaya kong binabati ang lahat ng mga mag-aaral, magulang, guro, tagapamahala at manggagawa ng lahat ng institusyon sa larangan ng edukasyon. Congratulations sa isang matiwasay na academic year!

Ngayon ay nasa ikalawang graduation season na tayo sa gitna ng pandemya at maraming importanteng aral at karanasan ang nakuha natin mula sa online at distance learning. Hindi man madali ang naging adjustment dahil sa limitasyon sa face-to-faces classes ay napagtagumpayan natin ito.

Sa Taguig, walang napagiiwanan dahil sinisiguro ng pamahalaang lungsod na ang dekalidad na edukasyon ay mananatiling bukas, inclusive, at madaling abutin para sa lahat, may pandemya man o wala.

Noong pinakastrikto ang community quarantine sa Metro Manila kabilang ang Taguig, ang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng house-to-house distribution ng P5,000 Special Emergency Assistance for Scholars (SEAS) na financial assistance sa scholars ng lungsod at kanilang mga pamilya.

Namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng mga tablets para sa mga mag-aaral at guro para mapadali at mapabilis ang online learning system sa lungsod.

Para sa lahat ng gustong mag-aral, maraming komprehensibong scholarship programs ang maaaring pagpilian sa lungsod ng Taguig para sa high school, kolehiyo at pati na rin sa technical and vocational courses.

Ang mga public high school graduates sa lungsod ay nakakatanggap ng scholarship vouchers na P15,000 upang hikayatin silang magpatuloy ng tertiary education at mag-apply sa mga scholarship programs ng Taguig.

May scholarship naman para sa mga mag-aaral sa kolehiyo ng Taguig City University (TCU) na lokal na unibersidad ng lungsod. Hindi lang yan, may allowance pa silang natatanggap bukod sa libreng edukasyon.

May scholarships ding umaabot sa P100,000 kada beneficiary sa ilalim ng expanded, enhanced and rationalized scholarship programs ng Taguig para sa mga nais maging doktor o mga gustong mag-aral ng abogasya, engineering at iba pang larangan.

Sa ilalim ng Return Service Agreement na kaakibat sa pagtanggap ng scholarship, ang mga propesyonal na produkto ng nasabing scholarship program ay ang mismong tutulong sa lungsod sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto nito.

Para sa mga lingkod-bayan ng pamahalaang lungsod ng Taguig at maging sa kanilang dependents, may scholarship assistance rin para palawigin pa ang kanilang kaalaman at ipagpatuloy ang pag-aaral kahit nagtatrabaho na.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Para naman sa mga mag-aaral na may angking talento sa sining, siyensiya at sports, tiniyak ng Taguig na mahahasa ang kanilang galing sa pamamagitan ng mga special scholarships at school sa lungsod.

Magtatayo ang lokal na pamahalaan ng Arts High School na magsisilbing training ground para mahasa ang talento ng mga estudyante sa larangan ng music, arts, acting o filmmaking.

Ipinagmamalaki rin ng lokal na pamahalaan ang science high school system ng lungsod na binubuo ng Senator Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and Technology High School (SRCC) at Taguig Science High School (TSHS).

Isa sa mga naging bunga ng science high school system ng Taguig ay ang Cyber Graduation. Kasabay ng makabagong panahon, gumamit ang Taguig ng robots sa online graduation ceremonies para sa masisipag at ipinagmamalaking mga graduates ng Taguig. Ang robots ay gawa ng mga estudyante ng SRCC na kinabibilangan ng Taguig Robotics Team.

May scholarship program naman para sa mga atleta ng Taguig. Ito ay para sa mga varsity players ng mga kolehiyo at unibersidad pati na rin ng ilang public high schools. May dagdag incentive pa kapag may nakamit na medal o recognition ang atleta.

Tinitiyak din natin na ang mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral, out-of-school youth o children in conflict with the law ay hindi napapag-iwanan pagdating sa edukasyon. Maaari silang magsanay sa Taguig Manpower Training Academy (TMTA) at mag-enroll sa mga technical and vocational courses. Ilan sa pwede nilang matutunan ay ang beads making, food processing, perfume making at soap making. May mga courses rin para sa pagsasanay sa wellness services at massage and haircut services.

Kapag naman nakapagtapos na, tuloy-tuloy pa rin ang suporta ng pamahalaang lungsod sa mga Taguigeños sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makahanap ng magandang oportunidad sa trabaho.

Plano ng pamahalaang lungsod na magtayo ng One-Stop Shop Employment Office at mga satellite centers nito na maaaring puntahan ng employers para sa kanilang job hirings at gayundin sa mga Taguigeños na naghahanap ng trabaho.

Isa pa sa mga plano ng lokal na pamahalaan ay ang pagtatayo ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) Center sa Barangay Pinagsama sa Taguig. Ito ay magbibigay ng financial assistance at iba pang serbisyo tulad ng paggabay sa tamang pagnenegosyo at e-libraries. Ang center ang magpapasigla muli ng ating ekonomiya at lilikha ng karagdagang oportunidad para sa trabaho.

Para muling makabangon ang ating ekonomiya, dapat pagtuunan ng pansin at pondohan ng pamahalaan ang edukasyon. Dapat mabigyan ng oportunidad sa edukasyon ang lahat, anuman ang edad o estado sa buhay, upang makabangon sa dagok ng pandemiya.

Sa ating sama-samang pagsuporta sa edukasyon at pagbubukas ng oportunidad sa kabuhayan, sabay-sabay tayong makakaahon tungo sa New Normal at magiging mabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya mula sa pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.