Abante Tonite Interactive

Effort pa more sa PDEA

By
267

Binulaga tayo ng balitang tinatayang P7 bil­yong halaga ng shabu ang naglaho sa isang sinalakay na warehouse sa Cavite nitong linggo.

Malinaw sa pangyayari na naisahan ng mga galamay ng sindikato ng iligal na droga ang tropa ni PDEA Chief Aaron Aquino.

Nakakalungkot ito dahil kitang-kita naman natin ang pagpupursige ng gobyerno na lipulin ang mga ga­lamay at pasimuno ng pagpapakalat ng iligal na droga sa bansa.

Ayaw nating magduda pero hindi kaya napasok ang PDEA ng mga nasa likod ng sindikato?

***
Pampa-good vibes naman tayo.

Alam niyo bang buhos ngayon ang biyaya sa Lungsod ng Taguig matapos nitong masungkit sa pangalawang pagkakakataon ang CROWN Maintenance Award bilang pagkilala sa maayos at mabisa nitong mga programang pangnut­risyon sa lungsod.

Isa ang Taguig sa mga kinilala bilang 2nd Year Consistent Regional Outstanding Winners in Nutrition (CROWN) Maintenance sa ginanap na 2018 Nutrition Awar­ding Ceremony sa Phi­lippine International Convention Center, Pasay City noong nakalipas na Hulyo 31, 2018.

Sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa Metro Manila, nag-iisa lamang ang Taguig City sa biniyayaan ng nasabing pagkilala.

Kaya nga super pasa­lamat si Taguig Mayor Lani Cayetano sa ikalawang pagkakataon ay tumanggap ng CROWN Maintenance Award.

Kasama ng award ay isang plaque at cash prize na P200,000 ang iginawad ng National Nut­rition Council nitong nakalipas na Martes sa mga miyembro ng Taguig City Nutrition Committee.

Kinilala sa nasabing awarding ang mga prog­rama ng Taguig tulad ng ‘Laging Alagaan, Nutris­yon ni Inay’ kung saan ang mga buntis na magulang, lalo na ang mga teenager pa lamang, ay tinuturuan ng balanseng pagdi-diet at malusog na pamumuhay upang masiguro ang maayos na pagdadalang-tao.

Dahil sa paggawad ng 2nd Year CROWN Maintenance Award, hinahangad naman ng Taguig ang prestihiyosong Nutrition Honor Award kung saan ito ang may pinakamataas na pagkilala na iginagawad ng NNC sa mga dati nang nabigyan ng CROWN Award.

Sana ay maging ehemplo ang Taguig ng iba pang lokalidad sa bansa.