Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Efren tanso uli sa carom

0 98

SELFIE sa tinaguriang “The Magician” na si Efren “Bata” Reyes.

Ito ang dagdag na insentibo ni Nguyen Tran Thanh Tu ng Vietnam na hindi naiwasan humiling na makapagpakuha ng litrato kasama ang nakatapat na si Efren “Bata” Reyes ng Pilipinas matapos ang laban sa semifinals ng men’s 1-carom event ng 31st Southeast Asian Games.

Masaya naman itong pinagbigyan ng makarisma na si Reyes na muling nakamit ang tansong medalya sa ikalawang sunod na edisyon matapos na malasap ang 100-55 kabiguan sa semifinals Miyerkoles sa muling dinumog na Ha Dong Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Tinangka ni Reyes na makatuntong sa unang pagkakataon sa kampeonato ng event subalit ilang beses itong nabigo na maagaw ang bentahe sa mas bata na Vietnamese na agad itinala ang 30-7 iskor tungo sa panalo.

SM food to go Banner Ad

Ang tanso ay ikalimang sunod ni Reyes sa one-cushion event simula noong 2011 Palembrang SEA Games kung saan tanging hindi ito nakapag-uwi sa disiplina noong 2017 Kuala Lumpur meet.

Nakatakda pa din sumabak ang pool legend sa 3-carom event na magsisimula Huwebes kung saan asam din nito mapaganda ang naiuwing tanso noong 2019 Manila SEAG. Makakasagupa nito si Quyet Chien Tran sa quarterfinals ganap na alas-6 ng gabi.

Samantala’y nagkasya din sa tanso sa 1-carom si Francisco dela Cruz, na nabigo sa iskor na 100-20 kay Pham Quoc Tuan sa semis.

Sasabak din si Dela Cruz sa 3-carom kay Duc Anh Chien Nguyen ng Vietnam sa quarters sa ganap na alas-2 ng hapon. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.