Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Eggplant Parmigiana

0 403

Masarap isawsaw ang pritong talong sa bagoong isda. Pero puwedeng i-level-up pa ang pagluluto at lasa ng talong sa pamamagitan ng Italian recipe na Eggplant Parmigiana.

Ngayong nauso ang mga plantito’t plantita, marami ang mga nagtanim ng sarili nilang talong. Madali lang kasing itanim ito kung may seedling ka na. Ang aking kaibigang madre na si Sr. Lilia Frondoza, MIC, nilagyan pa ng vermi tea at kusot ang kanyang tanim na talong kaya’t ang laki ng bunga nito. Ang makintab at malaking talong ang perfect para sa ating recipe ngayon.

Kailangan ng 4 hanggang 6 na malalaking talong. 1/2 tasang olive oil. 1 tasang tomato paste o puwede rin na isang 500 mg. ng Italian blend spaghetti sauce, 3 kutsarang parmesan cheese at 1/2 na tasang ginadgad na mozzarella cheese.

Balatan ang talong at hiwain ito ng pahaba o pabilog. Lagyan ng kaunting asin at ilatag sa isang paper towel. Tatanggalin nito ang mapait-pait na katas ng talong. Patuyuin ng paper towel at saka iprito sa isang kawali na may mainit na olive oil hanggang mag-brown ito.

Pagkaahon, tuyuin ng paper towel.

Related Posts

Kung tomato paste ang gagamitin, igisa muna ito sa bawang at sibuyas.

Ilagay ang talong sa baking dish o kahit sa kaserola na maaaring ilagay sa oven. Buhusan ito ng ginisang tomato paste o ang nakahanda nang Italian blend spaghetti sauce. Ilagay sa ibabaw ang isang kutsarang parmesan cheese na ginadgad at ilagay naman sa ibabaw nito ang mozzarella cheese. Ulitin ito hanggang kumapal ang keso sa ibabaw ng sauce at talong.

I-bake sa isang pinainit nang oven sa 400 degrees Fahrenheit sa loob ng 10 hanggang 15 minuto o hanggang kumulo ang keso at maging golden brown.

Ang mga masarap na kapartner ng Eggplant Parmigiana ay ang meatballs, italian sausage, gnocchi, vegetable salad at kahit simpleng garlic bread lang, ayos na!

Leave A Reply

Your email address will not be published.