Abante Tonite Interactive

El Niño nagpaparamdam na

145

Nararanasan na sa bansa ang El Niño pheno­menon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophy­sical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa, ang mainit na sea surface na nagsimula noong Nobyembre 2018 ay inaasahang magiging full blown El Niño ngayong 2019 ngunit ngayong buwan ng Pebrero ay umiiral na ang El Niño Southern Oscillation (ENSO) Alert System o maituturing na weak El Niño.

Ipinaliwag ng Pagasa na hindi nangangahulugan na ang weak El Niño ay mahinang El Niño o mahinang epekto. Ayon kay Pagasa Climate Monito­ring Chief Analiza Solis, ang pakahulugan sa weak El Nino ay laki ng kaibahan ng sea surface temperature sa Central at Eastern Equatorial Pacific.

Babala ng Pagasa, dahil nandito na ang El Niño ay asahan ang mas mababang tiyansa ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa mga susunud na buwan at asahan din ang mas mainit na panahon sa hindi magkakaparehong lugar at oras.

Una nang sinabi ng Pagasa na ilang lugar sa Luzon at Mindanao ang nakakaranas na ng tagtu­yot at dry spell simula pa noong nakaraang taon at pagdating ng buwan ng Marso at Abril ay lalawak pa.(Tina Mendoza)