Abante Tonite Interactive

El Niño task force binuhay ng Palasyo

166

Binuhay ng Malacañang ang isang task force para paghandaan ang magi-ging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Batay sa Memorandum Order No. 38 na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea, layon ng pagbuhay sa El Niño task force na mabawasan ang epekto ng El Niño phenomenon batay sa pagtaya ng Philippine Atmos-pheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Nakasaad sa memorandum order ni Medialdea na kailangang makabuo ng short term at long term solution para makatiyak na hindi makompromiso ang supply ng pagkain, tubig, energy security at mapahusay pa ang katatagan ng mga Pilipino sa panahon ng trahedya o kalamidad.

Magiging over-all head ng task force ang Socio-Economic Planning secretary at director general ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Kasama sa task force ang mga kalihim ng Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department of Energy, Department of Health, at Department of the Interior and Local Government.

Inaaatasan ang pinuno ng El Niño Task Force na direktang mag-report ng update kina Pangulong Rodrigo Duterte at Executive Secretary Medialdea.

Unang itinatag ang El Niño task force noong 2001 sa pamamagitan ng E­xecutive Order No. 16 para bumalangkas ng Comprehensive Disaster Preparedness and Rehabilitation Plan para sa El Niño at La Niña. (Aileen Taliping)