Abante Tonite Interactive

Electrician natusta sa Mang Inasal

719

Sunog na sunog ang buong katawan ng isang electrician makaraang makuryente sa kisame ng isang sangay ng Mang Inasal sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City Medical Center si Edito Demate, may live-in partner, taga-Purok 4, Anonas St., Angeles Pampanga.

Ayon kay Joel Latino, katrabaho ng biktima, alas-2:30 ng madaling-araw, abala sa pagpapalit ng ilaw sa loob ng kisame ng Mang Inasal si Demate na nakabase sa 2nd floor ng Happy Go Shopping Mall sa Brgy. Bignay, Valenzuela City.

Abala din ng mga sandaling iyon si Latino na nasa ground floor ng nabanggit na food chain.

Ilang sandali lang ay nakari­nig siya ng sigaw mula sa biktima.

Nang puntahan ay laking gulat ni Latino nang tumambad sa kanya ang sunog na sunog nang katawan ni Demate at wala na ring ulirat.

Pinagtulungang ibaba at isugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit sa daan pa lang ay wala na itong buhay.

Sa panayam naman ng Abante kay Ina Felin Cavilan, branch manager ng Mang Inasal, aksidente umano ang nangyari at walang may kagustuhan sa sinapit ng biktima.

Gayunma’y tutulong aniya ang kompanya sa abot ng kanilang makakaya para sa gastusin sa burol ni Damate.

Sa ngayon ay nasa Sabino Funeral Homes ang labi ng biktima. (Orlan Linde)