Abante Tonite Interactive

Eleksiyon sa wakas

By
249

Limang taon na ang nakakalipas mula nang huling nagkaroon ng eleksiyon para sa mga opisyal ng barangay habang walong taon naman ang nakakalipas para sa mga miyembro ng Sangguniang Kabataan. Nitong Sabado, ika-14 ng Abril, opisyal na nagsimula na ang election period para sa mga posisyon na ito.

Matatandaang dalawang beses ipinagpaliban ang barangay at SK elections, una noong 2016 dahil sa ‘election fatigue’ at sa pangalawang pagkakataon noong 2017 dahil sa mga alegasyon na karamihan ng mga opisyal ng barangay, pati na rin ang mga tatakbo para sa mga posis­yon na ito, ay sangkot sa droga. Bago pa nito, una nang ipinagpaliban ang eleksiyon para sa mga miyembro ng SK noong 2013 dahil naging malinaw na kinailangan ng reporma sa sistema ng Sangguniang Kabataan.

Maaring may mga lehitimong rason para sa mga unang pagpapaliban ng eleksiyon, pero sa ngayo­n ay tingin ko wala nang matinding rason para mu­ling pigilan ang sagradong karapatan ng mga mamamayan na bumoto para sa kanilang mga pinuno.

Marahil ilan nga sa mga kasalukuyang mga opisyal at mga tatakbo para maging opisyal ng barangay ay tunay na sangkot sa mga iligal na gawain pero dito pumapasok ang responsibilidad na nakaakibat sa karapatan na bumoto; ang res­ponsibilidad na maging mausisa at mapagmat­yag sa pagpili ng ating ibo­boto. Pero siyempre, ang karapatan, at responsibi­lidad na ito ay magagamit at mapakikinabangan lamang kung tayo ay lalabas para bumoto.

Nang huling nagkaroon ng barangay election noong Oktubre ng 2013, nasa 60% lang ng mga nakarehistro na botante ang tinataya ng Comelec na bumoto. Mababa ito ‘pag kinumpara sa 75% hanggang 80% na voter turnout sa mga pambansang eleksiyon noong 2010, 2013, at 2016. Ito ay marahil bunga ng mas mababang interes ng maraming Fi­lipino sa eleksiyon na para lang sa barangay at SK.

Bilang pangunahing yunit ng pamahalaan sa lipunan, ang mga barangay ay may malaking papel sa pagpapababa ng mga serbisyo at pakikinig sa mga hinaing ng mga mamamayan. Habang ang SK naman ay pangunahing ins­titusyon kung saan maaa­ring makilahok sa pamamahala ng ating lipunan ang kabataan. Parehong mas maayos maipapatupad ng mga barangay at Sangguniang Kabataan ang mga mandato na ito kung ang tamang mga tao ang maihahalal. Kaya importante na sa ika-14 ng Mayo, lahat ay lumahok at tumulong na masigurado ang isang mapayapa, malaya, at makabuluhan na eleksiyon.