Abante Tonite Interactive

Eleksyon sa Ilocos mapayapa — PNP

264

Sa pangkalahatan ay naging mapayapa, ito ang naging tugon kahapon ni Police Regional Office 1 acting regional director P/Brig. Gen. Joel S. Orduña kaugnay ng ginanap na midterm election sa buong rehiyon ng Ilocos.

Sinabi ni Orduña sa Abante, na produkto ito ng pagtutulungan ng lahat ng sangay ng gobyerno at mga kaugnay na grupo tungo sa maayos at tahimik na halalan sa nasabing rehiyon.

Base sa datos, may kabuuang 7,167 police personnel at 919 miyem­bro ng Armed Forces of the Philippines ang ikinalat sa mga voting center at election monitoring center sa buong rehiyon upang ipatupad ang patas na halalan.

Dagdag pa ng opisyal, nakapagtala lamang ng tatlong election related incident sa rehiyon, dalawa sa La Union at isa sa Ilocos Norte.

Naaresto rin ang 155 katao dahil sa paglabag sa liquor ban at 24 naman ang nadakma dahil sa hinihinalang vote buying at selling. Nakumpiska rin ang cash na aabot sa P595,300 na gagamitin diumano sa pagbili ng boto.

Pinasalamatan pa ng opisyal ang lahat ng kanyang tauhan na nagsilbi sa naganap na halalan. (Allan ­Bergonia)