Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Eleksyon’ titik at awit ni Heber Bartolome

0 106

“Eto na naman ang eleksyon.

Eto na naman mga politiko.

Nangangako sa publiko.

Nangangako ng kung anu-ano.

Ngunit laging bigo pa rin ang bayan ko.”

Napatitig ako sa isang obra ni Benedicto Cabrera o kilala bilang BenCab, national artist natin sa visual arts. Ito ay ang ‘Sad Republic’.

At ako ay sumang-ayon na malungkot nga si Inang Pilipinas.

Isang linggo, bago ka magdesisyon.

Sarili ba’ng pagpili o may bumulong?

Konsensya ba o nagpaanod ka?

Libre o may halaga?

Mahirap nga ba’ng mamili ng susunod na mamumuno?

Baka tinatamad ka lang manuri.

Napagod ka na rin sa pagkilatis.

Laging talo o laging bigo?

Talaga nga namang nakakainis…

Kapag inuto pati ang pag-asa mo…

Pero di ka dapat susuko…

Nasa balota mo kasi ang bukas.

Pumikit ka at lumipad sa hinaharap…

May liwanag ba o madilim?

May ginhawa ba o lungkot?

Mababago ba o sadlak pa rin?

Mangingiti o sikmura’y kakalam?

Gagaan o may luhang papatak?

Huwag kang umasa sa mga pangako…

Paulit-ulit lang at totoong napapako.

Sabi nga nung isang umasa ka rin,

Ang kampanya ay yabangan lang…

Ano’ng nangyari?

Sumabay ka sa balat ng mani…

Nabudol ka rin ba at nagsisi?

May aral ang nakaraan.

SM food to go Banner Ad

Yan ang dapat mong panghawakan…

Kung sasakay ka ulit, sayang naman…

Di ka na natuto.

Dapat wala kang reklamo.

Hindi ka naman mangmang.

Mulat naman ang iyong isipan.

Gusto mo ba na maging inutil na gising?

Hindi naman.

Yakapin mo ang kasaysayan…

Alamin mo kung nasaan sila.

Sa panahon na ikaw ang may kailangan.

Madali ba silang nalapitan?

Sila ba mismo ang dumalaw at nakiramay?

Ang pakikipag-kapwa tao ay di gawa-gawa.

Mahirap ang pakitang tao.

Naramdaman mo naman yun.

Nandiyan ba sila bilang lingkod bayan?

O inuna ang sariling kapakanan?

Sa Mayo 9, sama-sama tayo.

Maglalakbay sa inaasahang pagbabago…

Gaganti tayo sa mga palalo.

Wawakasan ang pagbabalatkayo.

Mamamayan naman ang dapat yumaman…

Hindi ba’t napapanahon yan?

Muling ngingiti si Inang Pilipinas…

Atin siyang yakapin at mahalin.

Tama na ang panggagahasa sa kanyang kalinga.

Tigil na ang pang-aabuso sa kanyang pag-aaruga.

Mag-isip ka.

Mangarap ka.

Di para sa sarili kundi para sa iba.

At sa huli, ang tagumpay ay matatamasa.

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.