Abante Tonite Interactive

‘Emergency awareness year’ sa kalamidad pinadedeklara

115

Inihain kamakailan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa Kamara ang kanyang House Resolution 535 na humihiling na ideklara ang 2020 bilang Disaster and Climate Emergency Awareness Year.

Ang panawagan ay ginawa upang lalong paigtingin ang pagpukaw sa kamalayan ng bansa sa banta ng lalong lumalakas na mga bagyong dulot ng climate change.

Ang HR 535 ay bilang tugon sa panawagan ng Philippine Councilor’s League (PCL) na dumalaw sa Kamara ang mga lider matapos ang First PCL Conference on Climate-Disaster Resilience and Federalism Governance sa Quezon City.

Pinangunahan ni Albay Board Member Jesciel Richard Salceda, hiniling nila sa mga mambabatas, kasama si House Speaker Alan Peter Cayetano, na ikonsidera ang working output ng kanilang PCL climate change conference – na madeklara ang 2020 bilang Disaster and Climate Change Awareness Year.

Kamakailan ay inaprubahan ng United Nations (UN) Green Climate Fund (GCF) ang $10 milyong ayuda sa Pilipinas para sa multi-hazard impact-based forecasting and early warning system (MH-IBF-EWS) ng bansa.

“Sadyang kailangan ng mga kalamidad na ito ang wastong tugon ng pamahalaan – pambansa at lokal – at pati ang paggasta ng bansa at dapat ding nakakatugon sa mga ito,” sabi ni Salceda.