Abante Tonite Interactive

Emergency power ni Duterte makalusot na kaya?

217

Tapos na ang eleksiyon at proklamasyon na lamang ang hinihintay.

Sa Senado bagama’t urung-sulong ang proklamasyon ay may malinaw nang mga nanalo at kabilang dito si dating Presidential Adviser on Political A­ffairs Francis Tolentino.

Lusot na lusot na ngayon sa winning circle ang dating presidential adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaya naman nakatutok na ito ngayon sa implementasyon ng mga naipangako sa katatapos na eleksiyon.

Isa sa kanyang ipinangakong aayusin ay ang pag-ayos sa hebigat na trapiko lalo na sa Metro Manila.

Hindi naman lingid sa lahat ay matagal naging pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Tolentino kaya kabisado na niya ang problema sa trapiko.

Pero isa sa nakitang solusyon para maibsan ang trapiko ay ang pagbibigay ng emergency power sa Pangulo para makapagpatupad ng mga programa.

Ang kapangyarihang ito ay hindi naibigay sa Pangulo dahilan upang patuloy nating dinadanas ang hebigat na trapiko sa Metro Manila.

Kaya ngayong mapapabilang na sa Senado si Tolentino ay isa ito sa kanyang puntiryang gawin ang muling maghain ng panukala para mabigyan ng e-power ang Pangulo kung kinakailangan.

Sa presensiya ni Tolentino at mas maraming kaalyado ng administrasyon sa Senado ay mukhang magkakaroon na ng katuparan ang hinahangad na e-power sa Pangulo.

Sabagay kung makakatulong at maiibsan ang teribleng problema natin sa trapiko, bakit hindi pagbigyan?

Pero siyempre alam naman nating hindi agad-agad itong mapapalusot ng Senado dahil mayroon mga oposisyon diyan na bubusisi sa lalamanin ng ibibigay na e-power para hindi naman maging pabor lamang sa gobyerno kundi sa taumbayan.

Sa ganang atin, panahon na para pagkalooban ng e-power ang Pangulo para maresolba ang problema sa trapiko upang gayon ay makaranas naman ng ginhawa sa biyahe ang taumbayan na ang mahabang oras ay ginugugol na sa biyahe.

***

Sa usapin pa rin tayo ng proklamas-yon. Binabati natin ang mga nanalong mga kandidato sa bayan ng Botolan, Zambales sa pangunguna nina Mayor Bing Maniquiz, Vice Mayor Doris Daria-Ladines at bumubuo ng sangguniang bayan na nagdaos ng thanksgiving at reconciliation party para pasalamatan ang mga tagasuportang nasa likod ng kanilang tagumpay.