Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Emma level-up ang b-day ayuda sa Eastern Samar

0 63

PANATA na sa buhay ng singer-philanthropist na si Emma Cordero ang ibahagi sa kanyang mga kababayan sa Eastern Samar ang ano mang biyayang natatanggap niya mula sa Diyos.

Si Emma (o Emcor sa marami) ay binansagan ding Asia’s Princess of Songs .Siya rin ang founding chairman sa matagumpay na 8th World Class Excellence Japan Awards (WCEJA) sa Heritage Hotel sa Pasay City.

Pagkatapos ng awards night ng WCEJA, lumipad patungong Quinapondan, Eastern Samar si Emma para makiisa sa selebrasyon ng kapistahan ng kanilang patron sa Bgy. Sta. Maragarita na si Saint Anthony de Padua.

Sa Sta. Maragarita ipinanganak ang singer at kapatid niya ang kasalukuyang chairman ng barangay na si Florentino”Florie” Macawile.

Nakagawian na ng pamilya ni Emma na ibukas ang kanilang pinto sa lahat ng mga kabaranggay para sa isang masaya at masaganang kapistahan. Dinig namin ay anim na baboy ang kinatay para pagsaluhan ng mga bisitang dumating sa kanilang tahanan.

Nang sumapit ang gabi ng kapistahan, isa si Emma sa naging special feature sa sayawan ng bayan.

Nakakaindak ang tugtog at nakakatuwa ring pagmasdan habang sumasayaw siya ng Kuratsa.Nakalatag ang isang table cloth sa dance floor kung saan ihinahagis ang pera sa magkatambal na sumayaw.

Sina Emma at ang partner niya ang pinakamaraming natanggap na pera.

Dinig namin ay para sa patron ng simbahan ang nalikom na salapi ng okasyon. Kinover ito

ng sarili niyang Official Emma Cordero You Tube channel.

Noong June 20, mismong birthday ni Emcor, ibinuhos niya sa isang covered court ang mga regalo sa kanyang mga kababayang dumalo sa kanyang gift-giving at free concert.

Umulan ng cash at imported products na binagahe pa ni Emcor mula Japan. May mga t-shirt at calendar din kung saan nakatatak ang Emma Cordero official YouTube channel . Ikinatuwa ito nang husto ng mga nakatanggap. Biro nga ng

showbiz, walang umuwi ng luhaan dahil ang mga bata at matatandang dumalo sa gift-giving ni Emcor ay nakatanggap ng pera, laruan,imported chocolates, pagkain, at mga gamit sa eskuwela.

Nakatanggap din ng dalawang pa-birthday surprise si Emcor mula sa kanyang pamilya .

Inamin ni Emcor na naiyak siya sa tuwa at saya dahil naramdaman niya ang balik ng pagmamahal

ng kanyang mga natulungan at minamahal na pamilya.

Bago bumalik ng Japan, pinuntahan ni Emcor ang mapagmilagrong simbahan sa Barangay Sulangan ,Guiuan,Eastern Samar. Isa umano ang simbahang ito ang tumugon samga dasal niya para sa kanyang kalusugan, negosyo, at pamilya,at maging sa kanyang mga programang pagtulong sa kapwa.

Sa June 23, back to Fukuoka, Japan si Emcor para paghandaan ang 9th World Class Excellence Japan Awards na gaganapin sa Fukuoka New Otani Hotel sa October 28 ng taong ito.

Dahil sa pandemyang hatid ng Covid-19, tatlong taon ding hindi nakauwi ng Pilipinas si Emma.

Dahil dito,ibinuhos niya nang husto ang tulong sa mga benepisyaryo ng Voice of an Angel Foundation, Emma Cordero Official Youtube channel, ng WCEJA, at kaanak at pamilya sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Emcor, habang healthy at pinagpapala siya ng Panginoon, tuloy rin ang kanyang pagkakawang-gawa . Ramdam niya na ito rin ang dahilan para sa kanyang mahaba at masayang buhay. (Obette A. Serrano)

Leave A Reply

Your email address will not be published.