Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Empleyado ng La Mesa Dam, natagpuang lunod

0 352

Bangkay na nang matagpuang nakalubog sa ilalim ng tubig ng La Mesa Dam ang isa nilang kawani sa Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling-araw.

Ang biktima ay nakilalang si John Patrick Ortega, 21, binata, laborer ng La Mesa Dam at taga- No. 117 Marangya St., Freedom Park 2, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, alas-3:19 ng madaling araw (Aug. 5) nang matagpuan ang nakalubog pang bangkay ng biktima sa Intake 5, La Mesa Dam Watershed, Brgy. Greater Fairview, QC.

Sa imbestigasyon, una dito ay lulan umano ng ‘barge’ ang biktima at ilang kasamahan sa La Mesa Dam at nagsasagawa ng ‘pile drilling’.
Dahil sa malakas ang ulan ay nagpasya muna ang mga itong magpahinga ngunit makalipas ang ilang oras nang mag-inspeksyon umano ang foreman ay napansing nawawala si Ortega.

Sa ‘search and rescue operations’ ay nadiskubre ang bangkay ng biktima.

Hinihinalang nasa kahimbingan ng pagkakatulog ang biktima nang mahulog ito sa barge. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.