Abante Tonite Interactive

Empress natuto sa pagkakamali

By
0 1,287
Special guest ng “Showbiz Pamore Tonite” ang mahusay at magandang aktres na si Empress Schuck kamakailan lang. Kaya naman  hindi na rin namin pinakawalan ang pagkakataong matanong ito sa iba’t ibang isyu.
Bida siya sa pelikulang “Kahit Ayaw Mo Na” kasama sina Andrea Brillantes, Kristel Fulgar at Daniel Matsunaga. Showing na ito ngayong araw.
“Ang pelikulang ito ay kuwento ng tatlong babaeng hindi magkaka­kilala. Pagtatagpuin na lang sila ng tadhana sa Samar. ­Almost half of the movie du’n po kinunan. Bawat struggle ng kuwento namin du’n lalabas ‘yung title ng movie na ‘Kahit Ayaw Mo Na.’”
Kumusta naman katrabaho ang leading man niyang si Daniel na first time pala niyang makatrabaho?
“Makulit pala siya. Bubbly na may pagka-bully. In fairness naman to him kahit nahihirapan siya sa Tagalog niya inaaral niya. That time lumipad kaagad siya sa Samar, galing siya sa isang work, dire-diretso siya sa work. ­Medyo mahahaba ang lines niya na puro Tagalog, nagulat ako sa kanya, memorize na niya kaagad du’n pa lang niya binabasa.”
Nabitin sa halik ni Daniel
Nang tanungin kung may kissing scene sila ng aktor, mabilis at pabirong sagot ng aktres, “Meron, kaya lang bitin kasi smack lang.”
Nangyari daw ang eksenang ‘yun sa San Juanico Bridge.
Tulad ng mga struggle ng karakter ni ­Empress sa pelikula, sa totoong buhay ba, ano ang mga mahihirap na pinagdaanan niya?
“Struggles sa career siguro. Makakapag-isip ka kung ano ba talaga ang gusto mo sa life at sa lovelife din.”
Anong point ba ng buhay niya na pakiramdam niya ay na-depress siya sa career niya?
“Before I got pregnant. May struggle ako du’n kaya siguro na-bless din ako ni God at binigay niya si Athalia sa akin. Best gift para sa akin.”
Sa biglaang pagbubuntis ni Empress na at that time ay kalilipat lamang sa Kapuso network, naisip ba niyang makakabalik pa siya sa showbiz?
“Actually when I got pregnant, ayoko na po sanang mag-showbiz. Hindi ko alam kung gusto ko munang mag-break, mag-quit na lang.”
Sa mga panahong iyon ay kaka-21 o 22 pa lamang daw ng aktres.
“I started showbusiness around 7 years old so wala akong break. Hindi naman ako nabigyan ng pagkakataon na magdesisyon for my life kasi I lived with my parents kaya ‘yun, naghanap na ako ng happiness ko at purpose ko in life na ‘di ko maha­nap.”
 

Walang pinagsisihan na maagang nagkaanak

No regrets naman daw sa naging ­desisyon ni Empress.
“May ganitong happiness pala. ­Sobrang happy sa pagdating ni Athalia sa buhay ko.”
Dahil happy na sa anak, sinubukan daw niyang magpaalam na sa manager niyang si Becky Aguila pero imbes na payagan ay hindi raw siya sinukuan nito.
“Pinag-audition niya ako for the role of ­Felicidad Aguinaldo sa pelikulang ‘Goyo’ na pinagbidahan ni Paolo Avelino at nakuha ko naman.”
Sinabi raw sa kanya ng manager na tumanggap muli ng mga ­project at kung ayaw na raw talaga niya ay saka raw sabihin ito ng aktres.
Pero reyalidad nga raw na naramdaman niyang kailangan niyang magtrabaho. Ayaw naman daw niyang umasa kahit kanino. After the movie, sabay-sabay nang dumating ang mga trabaho tulad ng ser­yeng “Asintado” sa Dos.
Ngayong naka-adjust na siya dahil 3 years old na naman ang kanyang anak, wala ba silang balak sundan ito?
“Hindi muna siguro kasi after niyang ipanganak parang gusto kong balikan ‘yung hindi ko natapos like ‘yung sa career ko. If I will have another baby, mai-stop na naman siya.”
Supportive naman daw ang kanyang partner sa desisyon niya.
“Aware naman po kami sa mistakes namin before at alam amin kung ano ‘yung dapat muna naming gawin at balikan.”
 
 

Ayaw pang pakasal

Wala bang planong magpakasal?
“Wala pa po. Ayaw muna kasi ­naming magpadala sa ­pressure. Kumbaga, we want to make it right this time kasi ang marriage importanteng bagay na hindi minamadali.”
Tulad nga raw ng nangyari sa kanila before ma­ging ang pagkakaroon ng anak ay wala naman daw sa plano no’n at bigla na lamang nangyari. Sa pagkakataong ito, dapat daw pag-isipan ang bagay-bagay. Pero sey nga ni Empress, ibang level of happiness ang naibibigay ng kanyang anak kaya naman nagtatrabaho siya muli para rito.
“Importante kasi na napaplano lahat para maging maayos. ‘Yun ang hindi namin nagawa. So since natuto na kami sa naging kamalian namin, we want to make it right this time, with the marriage and the next baby so sana kapag nagka-next baby na, kasal na kami, ganu’n.”
Ilang anak ang plano nilang mabuo?
“Mga tatlo.”
Ano ang mga realization niya ­bilang ina na siya ngayon?
“Naiintindihan ko na kung bakit sobrang istrikto si mama noon. Makakakuha ako ng ­kaunting pointers du’n pero as a mom now myself alam ko na may sarili akong way ng pagdidisiplina. Old school kasi mga parents nu’n. Dati kasi may sinturon, ngayon hindi ko ­naman iisiping sisinturunin ko ang anak ko, ‘di ba.”
Pagpapaintindi sa mali at ­pakikipag-usap, ito raw ang paraan ni Empress para disiplinahin ang anak.