Abante Tonite
Mabilis sa Balita

End game ng Delta variant?

0 187

Inanunsyo kamakailan ni Prof. Guido David ng OCTA Research na maaari tayong umasa sa magandang Pasko, kung tama ang kanilang basa sa tinutungo ng mga susing datos kaugnay sa pandemya ng COVID-19 sa bansa.

Sabi niya: (“Malamang na nasasaksihan natin ang endgame ng Delta variant…hindi pa ngayon ngunit nagsisimula na.”) Ayon kay David, rumurok ang kasalukuyang daluyong ng pandemya noong Setyembre 11 na may naitalang ng 26,303 kaso. (Samantala, sa araw na isinulat ito, may inulat na 4,496 kaso.) Sa National Capital Region umano, nasa 0.56 na lamang ang reproduction number (R0 o R-naught), ang susing sukatan ng paglaganap ng impeksyon. Habang nananatiling mas mababa sa 1.0 ang R0, patuloy na babagsak ang bilang mga mga kaso at maaaring tuluyang magapi ang pandemya.

Subalit binanggit din ni David na patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso sa ilang lugar, laluna sa Region 1, 2, at Cordillera Administrative Region. Ibinaba ang NCR sa Alert Level 3 habang naghigpit naman ng quarantine status sa mga naturang lugar.

Isang pang pasubali sa optimistikong pananaw ni David na kailangang banggitin: nananatiling mataas ang positivity rate (12.4% ng 35,766 na sumailalim sa PCR testing, ayon sa pinakahuling ulat). Nangangahulugang kapos na kapos ang bilang ng testing na isinasagawa araw-araw. Gayunman, malinaw na pababa ang direksyon ng bilang ng mga kaso, laluna sa NCR.

Magkakatotoo kaya ang maligayang Pasko na nakikinita ni Prof. David? ‘Yan ang kagustuhan nating lahat, ngunit maraming mga rekisito na kailangang tuparin. Hindi pa rin naipatitupad ng administrasyong Duterte ang sapat na bilang ng testing para matukoy at makontrol ang paglaganap ng pandemya, laluna sa labas ng NCR. Nasaan tayo sa pagbabakuna? Nasa 7.88 milyon na ang fully vaccinated sa NCR, o 80.78% ng target na 9.08 milyon na maaaring bakunahan. Gayunman, nasa 24.49 milyon pa lamang ang fully vaccinated sa buong bansa, o 31.76% ng target na 77.13 milyon.

Simpleng matematika ang nagsasabing napakaaga pa para patunugin ang mga kampana at magdeklara ng tagumpay kontra sa Delta o anupamang variant ng coronavirus. Nasa 52.65 milyon sa mga kwalipikadong mabakunahan ang hindi pa natuturukan. Aabot ito sa 87.71 milyon kung idaragdag ang mga Pilipinong mas bata sa edad 18 na hindi pa kasama sa target ng pagbabakuna. (Sinisimulan pa lang ng DOH ang pagbabakuna sa maliit na bilang ng mga edad 12-17.) Sa madaling sabi, nananatiling bulnerable at walang resistensya laban sa SARS-CoV-2 ang malaking mayorya ng ating populasyon. Humupa man ang lagablab ng mga kaso sa darating na mga linggo at buwan, nananatiling tuyot ang damo sa malawak na kaparangan na maaaring muling magliyab habang hindi nababakunahan ang malaking mayorya ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.