Abante Tonite Interactive

Engineer dinakma sa video scandal ng ex

735

Kulungan ang binagsakan ng isang consultant engineer makaraang ireklamo ng kanyang da­ting live-in partner nang nagbanta ang una na ikakalat sa social media at ipapadala sa kanyang kamag-anak at kaibigan ang kanyang mga private video kapag hindi nakipagkita sa Barangay Sto. Cristo, Pulilan, Bulacan kamakalawa.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Raul Samson y Balanag, taga-Camp 7, Baguio City nang dakpin ng pulisya na nahaharap ngayon sa kasong Violation of RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act in relation to R.A.9262) nang ireklamo ng da­ting ka-live in na itinago sa pangalang Aubrey, taga-Meycauayan City, Bulacan.

Nabatid na humingi ng tulong ang biktimang si Aubrey sa pulisya hinggil sa pananakot ng kanyang ex kaya nagkasa ng entrapment operation ang Meycauayan at Pulilan police force sa Brgy. Sto. Cristo, Pulilan dakong alas-dos nang hapon kamakalawa at nagkunwaring pumayag ang biktima na makipagkita kaya nasakote ang suspek.

Narekober dito ang cellphone na may malalaswang video na siyang panakot ng suspek sa dating kinakasama na ikakalat kapag hindi pumayag sa kanyang gusto.

(Jun Borlo­ngan)