Abante Tonite Interactive

Engineer iniligpit; bangkay tinali sa bato, nilibing sa lawa

461

By Ronilo Dagos

Makaraan ang tatlong araw na pagkawala, lumutang noong Biyernes sa Caliraya lake ang bangkay ng nawawalang engineer na pinaniniwalaang pinatay sa construction site sa Cavinti, Laguna.

Sa report ng Cavinti police, natagpuan ng dalawang trabahador ang bangkay na nakalutang sa tubig malapit sa ginagawang golf course ng Caliraya Spring Resorts sa Brgy. East Talaongan alas-dos nang hapon.

Positibong kinilala ang bangkay na nawawalang engineer na si Jebbie Fuentes Beatriz, 38, ng Evergreen, Las Piñas City, at in-charge sa ongoing construction project ng DB-Israel Engineering Services sa resort.

Nakabalot sa kumot, may nakakabit na sako na may lamang 5-kilong bato sa tagiliran nito na hinihinalang ginawang pabigat para hindi lumutang ang bangkay at maitago ang krimen.

Nakita rin sa loob ng sako ang ilang personal na gamit ng biktima at ang dalawang duguang unan, tuwalya, t-shirt at isang martilyo.

Ayon sa Cavinti police chief, P/Capt. Abelardo Jarabejo III, posibleng pinatay ang biktima at pinalo ng martilyo habang natutulog sa barracks dahil sa dalawang tama ng matigas na bagay sa ulo nito.

Ang pagkawala ng biktima ay unang ini-report sa pulisya noong Biyernes nang umaga ng katrabaho na project supervisor na si Augusto Barsolaso Miraya Jr. na huling nakasama umano ng biktima bago ito nawala noong Martes.

Ayon dito magkainuman sila noong gabi nang Lunes at huli umano niyang nakita ang biktima dakong alas-11:00 nang gabi sa barracks at may kausap na babae sa cellphone.

Pero ayon kay Captain Abelardo, person of interest nila ngayon si Miraya nang hindi na ito magpakita simula nang i-report nito sa pulisya ang pagkawala ng biktima.