Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Enjoy ngayon, cremate bukas

0 290

Ligtas na Kapaskuhan at Bagong Taon ang hangad ng gobyerno para sa mga Pilipino dahil nananatili pa rin ang banta ng panganib ng COVID-19.

Katunayan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang umapela sa publiko na iwasan muna ang nakagawiang magarbong handaan at kainan, pati na ang mga aktibidad kung saan nagtitipon-tipon ang mga kaibigan o kaya mga magkakamag-anak tuwing Pasko at Bagong Taon para masigurong ligtas sa COVID-19.

Pero kahit paulit-ulit ang paalala at apela ng gobyerno ay tila tengang-kawali ang ilang kababayan dahil marami pa rin ang hindi sumusunod sa umiiral na health protocols.

Tila ba balewala sa mga Pinoy ang bagsik ng COVID-19 at ang iba ay akala mo eksperto sa pagsasabing ordinaryong ubo at sipon lang ito na iniba ang pamgalan para pagkakitaan.

Ganyan po ang pananaw ng ilang mamamayan na kulang sa impormasyon at sarado ang isip sa dinaranas na pandemya ngayon sa buong mundo.

Pero hindi po tumitigil ang mga ahensiya ng gobyerno sa mga paalala para sa kaligtasan ng lahat.

Ang sabi nga po ng Department of Health (DOH) kulang ang isang milyon sa pagpapagamot kung minalas na tinamaan ng COVID-19 gayong murang-mura ang face mask at face shield bilang isa sa safety measures para makaiwas na madapuan ng bagsik ng virus.

Pero kung minalas na hindi makaligtas sa COVID-19, ang kasunod niyan ay magiging abo na lang sa bandang huli.
Oo nga’t nagluwag na sa mga polisiya at nagbukas na ang mga negosyo, hindi ibig sabihin ay puwede ng gawin ang mga dating nakagawian.

Hindi pa po tayo ligtas sa mabagsik na virus kaya huwag munang maging pasaway, lalo na yaong madalas lumabas kahit hindi naman importante ang pakay .

Kapag dinapuan ng COVID-19 at hindi kinaya ng resistensiya ng katawan, tiyak cremation ang kasunod niyan.

Wala na ang nakagawiang lamay at burol, dahil kapag minalas sa COVID-19, kung ano ang suot pagapasok sa ospital ay yun na ang kasama sa sususnugin sa cremation. Masaklap di ba?

Isipin na lang ang gastos ng mga iiwanang mahal sa buhay dahil abo ka na , pero nag-iwan ka ng sakit sa bulsa sa mga mahal mo sa buhay dahil hindi nag-ingat at hindi sumunod sa mga babala at paalala para sa kaligtasan.

Kaya ang paalala muli sa publiko, sumunod sa mga paalala at pag-iingat para maging ligtas sa Pasko at Bagong Taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.