Mas magiging masaya at relatable para sa kabataang Pinoy ang pag-aaral tungkol sa kalikasan .
Malaki ang partisipasyon ni Enna (Zavinna Badena) sa adbokasyang ito. Siya ay isang curious na teenager na nakakadiskubre ng iba’t ibang problemang pangkalikasan sa kanilang tahanan at komunidad.
Sa tuwing may tanong si Enna, lalapit siya sa kanyang kuya na si Geo (Benedix Ramos), isang environmental scientist na tutulong sa kanyang maintindihan ang siyensya sa likod ng mga problema at ang mga simpleng solusyong maaaring gawin araw-araw.
Sa pamamagitan ng kanilang kuwento, tuturuan ng “Enna You Know!” ang young viewers tungkol sa pagtitipid ng enerhiya, environmental sustainability, at iba pang eco-friendly habits na makatutulong sa kalikasan.
Ang “Enna You Know!” ay mapapanood sa Knowledge Channel simula ngayong Setyembre 16 (Miyerkules).
Binuo ng Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) ang four-episode series katuwang ang Schneider Electric Foundation, Schneider Electric Philippines, Makesense Asia, at Department of Education (DepEd).
Bahagi ito ng “Project Shaping Energy,” na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga public high school student tungkol sa enerhiya at sustainability. Nakaayon din ang programa sa Science curriculum para sa Grades 9 at 10.
Ayon kay KCFI Vice President Edric Calma, pangmatagalang investment ang paggawa ng mga educational program para sa kabataan.
“Ang investment po sa education, katulad ng mga ginawa nating video lessons na ito, ay makabuluhan at sustainable. Taun-taon, ilang mga bata ang matututo ng science nang maayos at magmamahal sa ating kalikasan dahil sa mga videos na ito,” aniya.
Kasabay ng launch ng programa, namahagi rin ang KCFI at mga katuwang nito ng educational materials na naglalaman ng lahat ng episodes sa mga Science teacher mula sa DepEd Schools Division Office of Rizal.
Mapapanood ang “Enna You Know!” tuwing Miyerkules, Huwebes, at Linggo sa Grade 9-10 block, simula Setyembre 16, 4 PM, na may replay ng 10:40 PM sa DepEd TV powered by Knowledge Channel. (RC)











