Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Epal na Female personality nagpapanggap

0 145

Hindi lang mga manunulat ang may tinatawag na ghost writer. Ang mga artista rin at ibang personalidad na pampubliko ang linya.

Pero madaling malalaman kung ang personalidad nga ang nagbubuo ng kanyang mga ipino-post o ibang tao ang sumusulat nu’n para sa kanya at kinokopya niya na lang.

Kuwento ng aming source, “Madaling malalaman ‘yun. Kapag kabisado mo na ang pagsasalita ng artista, mabilis mong malalaman kung siya nga ang nagpo-post o ibang tao.

“May mga artistang ni hindi makapagsalita nang straight English, tapos, kung makapag-post, e, akala mo Amerikana, buking na agad na hindi siya ang gumagawa ng mga ipino-post niya!

“Di nga ba, naging issue si ____(pangalan ng isang kilalang female personality), maraming nagdududa na hindi siya ang nagpo-post mismo sa account niya?

“Kapag ini-interview kasi siya, e, hindi naman siya Inglisera, para ngang ni hindi siya makapagsalita sa English kahit ng mga simpleng sentences lang, tapos, super-Inglisera siya sa pagpo-post?

“Ayun, lumabas tuloy ang pagdududa ng mga nakakabasa sa posts niya na hindi siya ang gumagawa nu’n. Napakalayo naman kasi sa character niya ng mga ipino-post niya.

“Malalim siyang mag-English, pa-profound ang datingan niya, samantalang kapag napapanood naman siyang nagsasalita sa TV, e, hindi siya ganu’n ka-articulate!

“Para hindi sila pinagdududahan, e, umayos sila! Kung paano sila magsalita, e, kailangang ganu’n din silang mag-post!” nakataas ang kilay na sabi ng aming impormante.

Isang female celebrity rin ang kinukuwestiyon ng mga kababayan natin kung bakit at paano nakapagpo-post na para bang lumaki siya sa ibang bansa.

Patuloy ng aming source, “Isa pa ang babaeng ‘yun na epal! E, ni hindi nga siya makapagsalita sa language natin nang diretso, nag-uumingles pa sa mga posts niya!

“Nakakaloka siya, sino naman ang maniniwalang utak nga niya ang gumagana sa mga pinagsasasabi niya sa social media, e, pilipit ang dila niya?

“Tama na kasi ang pagpapanggap, magpakatotoo na lang, hindi nila maloloko ang mga utaw!” madiing pagtatapos ng aming source.

Pokwang ‘di nganga sa pandemya

Marunong sa buhay si Pokwang. Maparaan siya. Para siyang talbos ng kamote na kahit saan mo ihagis ay siguradong mabubuhay siya.

Sinuwerte siyang magkaroon ng dalawang programa sa TV5 sa pamamagitan ng produksiyon ng mga Tuviera. Isa siya sa mga puwedeng magsuot ng t-shirt na ang nakaletra ay “I survived” sa pagsasarado ng ABS-CBN.

Meron na siyang Cheka Besh tuwing umaga kasama sina Ria Atayde at Pauleen Luna ay sila pa rin ni Jose Manalo ang hosts ng game show na Fill In The Bank.

Pero hindi du’n nagtatapos ang pagtatrabaho ng magaling na komedyana-host, may iba pa siyang pinagkakaabalahan, ang negosyo nila ng kanyang miser na si Lee O’Brian na pagkakasarap na produkto.

Ganu’n kasipag si Pokwang, wala siyang sinasayang na panahon, maraming umaasa sa kanya kaya lahat ng paraan kung saan siya puwedeng kumita ay ginagawa niya.

Pok-Lee ang brand name ng kanilang mga produkto. Maganda ang kanilang logo, nandu’n sila ni Lee na kunwari’y nasa kabukiran, tampok ang kanilang mga produkto.

Nakalilimot ng pangalan sa sarap ang kanilang ginataang laing, panalung-panalo ang produkto nilang suka na tamang-tama ang timpla bilang sawsawan at puwede ring inumin bilang panglinis ng bituka, meron din silang gourmet tuyo at tinapa, chili at chili-garlic aligue, pineapple at strawberry jams.

Kapag natikman mo na ang mga produkto ng Pok-Lee ay isa lang ang posibleng gagawin mo, ang tumawag sa kanila para umorder uli, dahil walang katapun-tapon sa masasarap nilang produkto.

Tama ang ginagawa ni Pokwang, walang kasiguruhan ang pag-aartista, kailangang meron pang ibang negosyong maaasahan ang mga personalidad para hindi sila nganga.

Leave A Reply

Your email address will not be published.