Abante Tonite Interactive

Epektibong armas ng independent media

0 35

Samu’t sari na naman ang opinyon sa pagpapaaresto ng korte sa isang opisyal ng isang online news organization. Hayaan nating gumalaw ang batas sa kaso.

Walang sinuman ang dapat na sumaklaw at magdikta sa hukumang humahawak ng kaso.

Pero mahalaga rin na mapatunayan ng korte na hindi nito minamalasado ang proseso at ang mismong kaso nang dahil sa pressure mula sa kung saan.

Sa hanay ng media, nakikiisa ang tunay na tabloidista sa pangkalahatang sentimiyento na dapat mapanatili ang kalayaan ng pamamahayag sa lahat ng oras at pagkakataon upang magampanan nito ang marangal na tungkuling maghatid ng katotohanan at maging salamin ng tunay na kalagayang panlipunan.

Isa sa mahirap ngunit matagumpay na naikampanya at isinusulong pa rin ng independent media ay ang #factcheck.

Related Posts

Ito ‘yung paglalatag ng katotohanan sa tuwing may sasabihing mali o hindi totoo ang isang opisyal ng pamahalaan o sinumang tampok sa balita.

Bilang suporta sa adhikaing puksain ang fake news at upang protektahan sa kasinungalingan ang publiko, kailangang magbigkis ang buong media industry, diyaryo man, radyo, telebisyon at social media, upang isulong ang #factcheck sa bawat oras na hinihingi ito ng pagkakataon.

Tukuran ang katotohanan laban sa kasinungalingan at fake news.

Ito ang pinakamalaking hamon ngayon na kailangang harapin at sama-samang pagtagumpayan ng independent media.

Sa ngalan ng demokrasya, kaisa at kabahagi ng labang ito ang inyong munting tabloidista.