Abante Tonite Interactive

Epektibong solusyon sana ay ipatupad

By
58

Hindi talaga napipi­gilan ang mga batang nagkalat sa kalye. Mga batang halos makipagpatintero kay kamatayan kumita lang ng pera.

Mga batang nasa ­peligro ang buhay dahil ang kanilang kalaban ay mga sasakyan sa kalye na maaaring magkamali sa kanilang pagmamaneho at makapinsala ng buhay.

Ang mga batang nakikita natin sa kalye na madalas ay nasa mga main thoroughfare pa.

Napapansin din siguro­ natin na wala na sa kanilang sumisita na animo’y nasanay na sa kanilang mga presensya.

‘Di na rin sila pinapansin ng mga nagkalat na ­enforcers na parang ‘di sila­ nakikita na pakalat-kalat sa kalye. Nakakalungkot lang dahil ang mga buhay ng mga batang ito ay masasabi natin na sa isang kisap-mata lang ay pupuwedeng mapahamak.

Bukod sa mga nagbebenta ng mga sampaguita­ na madalas nang kala­karan ng mga batang ito ay nandyan din ang pagbebenta ng mga basahan, tubig, sitsirya at kung anu-ano pa.

Nandyan na rin ngayon ang lalapit sa sasakyan mo na bata at lilinisin naman ang kanilang mga salamin para maabutan ng barya.

Hanggang kelan natin papayagan ang ganitong gawain ng mga kabataan sa kalye? Marami na ang mga batang napapariwara sa kanilang mga buhay sa kalye.

Nandyan ang makikita natin na sa mismong kalye sumisinghot ng solvent, humihithit ng sigarilyo, marijuana at kung anu-ano pa.

Kailan pa natin gagawan ng paraan ang ganitong pagkalat ng mga bata sa kalye? ‘Di sila kumokonti kundi mas lalo silang dumadami.

Sana ay sa lalong madaling panahon ay mabawasan ang ganitong uri ng pangangalakal sa kalye ng mga batang ito. Matagal na itong nangyayari.

Matagal na rin tayong naghihintay ng mga epektibong solusyon­ mula sa dapat ay nagpapatupad nito pero­ ­sana ay mangyari na sa lalong madaling panahon upang maisalba ang kinabukasan ng mga bata.