Abante Tonite Interactive

Epekto ng oil price hike paghandaan

438

Narinig na naman natin ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasabing walang epekto daw sa inflation sa bansa na katumbas ng presyo ng bilihin.

Ayon sa mga ito ay hindi dapat ikabahala ang malakinang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo sa epekto na inflation at bilihin sa bansa.

Hindi dapat maliitin ang epekto ng oil price increase sa halip ay paghandaan ito ng gobyerno habang hindi pa lumalala ang sitwasyon.

Hindi natin makakalimutan ang mga ganitong pahayag ng economic team ng Duterte administration na walang epekto ang pagpapatupad ng Train Law pero biglang tumaas ang presyo ng bilihin na siyang nagpabilis sa pagtaas ng inflation.

Sabi ng economic team at mismong si Agriculture Secretary Manny Piñol na wala naman daw na krisis sa bigas pero nagkaroon ng kakapusan ng bigas na naging dahilan upang magkaroon ng mahabang pila sa mga bumibili ng murang NFA rice.

Walang krisis daw sa bigas pero bakit umangkat ng maraming NFA rice at pinabaha ang murang bigas sa pamilihan kung kaya’t bumalik sa normal ang presyo ng butil.

Sa pinakahuling pangyayari ay mahigit limang piso na ang itinataas sa presyo ng produktong petrolyo kabilang ang pagpapataw ng excise tax sa fuel.

Walang kadala-dala ang economic team sa mabilis na pagsasalita na walang epekto ang oil price sa inflation samantalang walang nakatitiyak sa sitwasyon sa world market kung tutuloy ang pagtaas ng presyo matapos na magbawas ng produksiyon ng langis.

Habang hindi pa nararamdaman ang epekto ng oil price increase ay dapat na paghandaan na ito ng gobyerno.
Ang masaklap dito kadalasang kumikilos lang ang ating gobyerno kapag nandyan na ang krisis o problema at ayaw pangunahan ang aksiyon upang hindi na mararanasan ng publiko.

Sana naman ay wakasan na ang mga ugali ng ating opisyal ng gobyerno na agad binabalewala o minamaliit ang isang isyu na alam naman ni lang may posibilidad na maging krisis kung hindi maagapan para na rin sa kapakanan ng taumbayan.