Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Epekto ng pandemya sa pag-iisip

0 237

Hindi biro ang epekto ng Covid-19 pandemic sa bawat pamilyang Pilipino. Marami ang nawalan ng kabuhayan. Milyun-milyon ang na-layoff sa trabaho matapos magsara ang mga pinapasukang kumpanya. Nagdadalamhati naman ang daan-daang libong pamilya matapos mamatayan ng kaanak.

Bukod sa pinansiyal na pangangailangan, mas higit na dapat pagtuunan ng pansin ng bawat isa ang epekto ng pandemya sa mental health o pag-iisip ng isang indibiduwal. Marami ang hindi makakilos nang ayos dahil patung-patong ang hinaharap na problema.

Ayon sa psychologist na si Dr. Ali Gui, ‘Acceptance is the key.’ Kailangan mong tanggapin ang kasalukuyang sitwasyon bago ito hanapan ng solusyon. Importante aniya na alam ng pamilya ang hinaharap mong problema. Dagdag ni Gui, ‘It’s not for you to keep, you have to share it with your family.’

Totoo rin naman, mas madaling malutas ang problema nang sama-sama ang pamilya. Kung alam ng pamilya mo na nawalan ka ng trabaho, mas makapag-iisip kayo ng paraan kung paano muling hahanap ng mapagkakakitaan.

Huwag din daw mag-overthink. Alam nating walang kasiguruhan ang buhay ngayong hindi pa tapos ang laban sa Covid-19 pandemic. Pero ayon kay Gui, ‘There’s nothing wrong if you plan, pero huwag negative thoughts.’

Importante ring alam mo ang pagkakaiba ng stress, anxiety at depression. Batid ng ilang mental health experts na maraming Pilipino ang nalilito sa mga kahulugan nito. Ika nga ni Gui, ‘We have to be very careful when we use the word anxious, depression or sad. Let us not use the big words when you don’t understand.’

Posibleng stressed ka sa trabaho o eskuwela kung tambak ka ng mga gawain. Maaaring pagod ka dahil maraming pinapa-submit sa’yo ang boss at teacher mo kahit pa online ang mode ngayong may pandemic.

Anxiety naman ang nararanasan mo kung balisa o may agam-agam sa’yo. Nag-ooverthink ka sa mga posibleng mangyari at sa mga maaaring maganap sa hinaharap.

Depressed ka naman kung nawawalan ka na ng gana sa buhay. Sila ‘yung tipong wala ng sense of time and responsibility. Gigising o matutulog sa oras na gusto nila. Kadalasan wala silang ganang kumain na nagdudulot ng karamdaman. Dahil kung anu-ano ang naiisip, kung minsan nauuwi pa sa pagpapatiwakal ang depression.

Kaya importanteng alagaan ang mental health. Kung may mga sintomas ka, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa mga eksperto. Huwag ding ipagkibit-balikat ang mga naiisip. Hindi dahil nakasanayan o nakaugalian, tama na. Kung hindi natin itatama ang mali sa pag-iisip natin, kailan pa – kapag huli na ang lahat?

Leave A Reply

Your email address will not be published.