Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Equity subsidy ng sasali sa PUVMP dinoble ng DOTr

0 197

Sa gitna ng pandemya ay inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagdoble ng equity subsidy mula P80,000 ay P160,000 na ito ngayon para sa mga operator na sasali sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Retroactive ang pagpapatupad ng mas mataas na equity subsidy kaya maaari itong pakinabangan ng mga naunang sumali sa PUVMP.

Nilagdaan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang pagbabagong ito sa probisyon ng Department Order 2018-016 upang gawing mas abot-kaya ang mga modernong PUV para sa mga operator na sasali sa PUVMP.

Mula sa P80,000 ay magbibigay na ang DOTr ng P160,000 para sa bawat modernong yunit bilang equity subsidy para sa mga PUV operator na may mga balidong prangkisa, pati na rin sa mga PUV operator na gusto mamasada sa mga bagong ruta sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines.

Hangad ng hakbang na ito na matulungan ang mga drayber at operator na lumipat sa modernong PUV, lalo na sa kasalukuyang panahon ng pandemya.

Ayon kay Sec. Tugade, ang pagtaas ng equity subsidy ay isang paraan upang matulungan ang mga nakikilahok sa PUVMP habang umuusad ang bansa tungo sa “new normal” sa gitna ng banta ng coronavirus (COVID-19).

“Habang sumusulong tayo patungo sa pagbabago, ito ‘ho ang paraan namin para sabihing kaagapay ninyo kami sa Kagawaran ng Transportasyon. Salungat sa mga pahayag ng mga kritiko, narito kami upang makatulong at makinig sa ating mga kasamahan. Kailangan ‘ho natin ito, lalo na’t naghahanda tayo sa isang kinabukasan kung saan lahat ay makikinabang sa modernization,” wika ni Sec. Tugade.

Binanggit rin ni Sec. Tugade na kasama rin sa equity subsidy ang mga aplikasyon mula Hulyo 31, 2018.

“Retroactive ho ito. Ang ibig sabihin, kahit na nakuha na nila ang dating halaga, makukuha pa din ho ng drayber o operator ‘yung balanse,” dagdag ni Sec. Tugade.

Malugod na tinanggap ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra ang panukalang ito para mas dumami pa ang mga drayber at operator sa ilalim ng PUVMP.

Leave A Reply

Your email address will not be published.