Abante Tonite Interactive

Erap, Ate Vi naipit sa away nina Sereno, De Castro

3,266

Naranasan nina da­ting Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at Batangas Rep. Vilma Santos-Recto kung paano mapagitnaan sa away nina Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justice Teresita Leonardo de Castro.

Sina Estrada at Santos ay kabilang sa inimbita kaugnay ng ika-30 anibersaryo ng Philippine Women’s Judges Association (PWJA) sa Manila Hotel noong Huwebes.

Uminit ang tensyon nang magsalita si Sereno at banatan ang House Committee on Justice dahil sa tinakbo ng pagdinig ng impeachment complaint laban sa kanya. Sinupalpal naman ni De Castro si Sereno sa pagsasabing hindi dapat nagsalita ang Chief Justice tungkol sa kanyang kaso dahil sa sub judice rule, kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga guest dahil sa ginawa ng kasamahan niya sa SC.

Sinariwa ni Santos nitong Biyernes ang mala-pelikulang eksena sa naturang event kung saan isa siya sa mga guest speaker.

Ayon sa aktres, nate-tense na siya noon dahil sa puros mga mahistrado ang kaharap niya pero ang pinakamabigat dito ay nang maging saksi siya sa bangayan nina Sereno at De Castro.

Kaya nang magsalita si Santos sa podium, una nitong sinabi na ‘Ang bigat bigat ng loob ko… puwede ba magkuwentuhan na lang tayo?’

Aminado naman si Estrada na hanggang ngayon ay may takot pa rin siya kay De Castro kaya kaagad siyang pumunta sa naturang event. Si De Castro ang presiding justice ng Sandiganbayan na duminig noon sa kanyang kaso.

Idinaan din sa biro ni Estrada ang bahagi ng kanyang talumpati upang mapagaan ang sitwasyon sa naturang pagtitipon.
“So I think this will be the first time in the history of your association where you will have an ex-convict as your speaker,” pabirong wika ni Estrada.