Abante Tonite Interactive

ERAP BALIK OSPITAL

100

Isang araw matapos palabasin sa ospital at payagang makauwi ng bahay, ibinalik sa ospital si Manila Mayor Joseph Estrada.

Subalit agad itinanggi ng pamilya Estrada na may malalang karamdaman ang dating Pangulo kung kaya’t labas-masok ito sa ospital sa nakalipas na isang linggo.

Unang inilutang sa twitter ng DZRH News na dinala si Mayor Estrada sa St. Luke’s Global City sa Taguig kahapon ng hapon.

Nauna rito, kalalabas pa lamang ng ospital ni Estrada noong Sabado. Pinayagan na umano ito ng kanyang mga doktor na makauwi sa kanilang bahay para makasama ang kanyang pamilya sa araw ng Pasko. Bumuti na umano ang kalagayan ng alkalde kaya’t pinayagan ito ng mga doktor na makauwi nitong Sabado.

Sa paliwanag naman ng pamilya, nabagot lang ang dating Pangulo nang ma-confine ito sa Cardinal Santos Medical Center noong Miyerkules kaya umuwi ito noong Sabado para makapagdiwang ng Pasko kasama ang kanyang pamilya.

Subalit nang malaman umano ito ni Sen. Jinggoy Estrada, na kasalukuyang nakakulong sa Custodial Center ng Camp Crame, ay ipinabalik nito sa ospital ang dating Pangulo dahil hindi pa raw ito “fully healed” sa kanyang sakit.

“Nabagot lang daw sa ospital kaya umuwi nu’ng Christmas,” paliwanag ni Jinggoy na ipinarating ng kanyang staff sa Abante Tonite.

Umaasa ang pamilya Estrada na papayagan nang makalabas ng St. Luke’s ang dating Pangulo ngayong­ Lunes.

Nilinaw din ni Jinggoy na hindi pneumonia kundi acute bronchitis ang dumapong sakit sa kanyang ama.

“Okay naman. Wala siyang pneumonia. It’s just acute bronchitis,” ayon sa mensaheng ipinarating ng dating senador.

Nabatid na nag-file pa ng petisyon si Jinggoy sa Sandiganbayan upang payagan itong mabisita ang kanyang ama sa ospital pero naabutan ito ng Christmas break ng anti-graft court.