Abante Tonite Interactive

ERC tinaningan ng Meralco-MVP

267

Binatikos ng mga consumer ang umano’y pambabraso ng Manila Electric Company (Meralco) na pagmamay-ari ni Manny V. Pangilinan para agad aprubahan ng Ener­gy Regulatory Commission (ERC) ang limang power supply agreements nito.

Ayon sa National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (Nasecore), muli na namang sasamantalahin ng Meralco ang merkado at nagbanta pa umano ito sa ERC para mabigyan sila ng provisional authority sa limang PSA dahil ito pa ang nagbigay sa ERC ng deadline para maaprubahan ang kontrata kahit hindi nito pinapaliwanag kung paano nito nakuha ang presyong P4.973 per kilowatt hour sa kaso pa lang ng PSA ng Phinma Energy Corp.

“Meralco’s application for provisional authority or temporary authority/approval is tantamount to a threat to the go­vernment regulator as it provided the ERC with a deadline of December 26, 2019, to approve the contracts otherwise Meralco may be “exposing” its consumers to ‘volatile’” electricity prices,” sabi ng Nasecore.

Ayon kay Nasecore national president Pete Ilagan, ang Meralco mismo ang dahilan kaya nagipit sa oras dahil 2016 pa nito alam ang sitwasyon pero hindi pa nito inaksyunan ng maaga.

Bukod sa PSA ng Phinma, pinamamadali din ng Meralco sa ERC na aprubahan ang PSA nito sa San Miguel Energy Corporation (SMEC), First Gen Hydro Power Corporation (FGHPC), at South Premiere Power Corporation (SPPC). (Eileen Mencias)