Abante Tonite Interactive

Erediano, Pusing nagningning

By
1,286

Sa magkasulangat na paraan pero iisa ang resulta nang pangibabawan nina Clifford Pusing at Moira Erediano ang Alaska IronKids swim-bike-run race sa Azuela Cove sa Davao City noong Sabado.

Dinomina ni Pusing ang boys 13-14 division sa tiyempong 41:23.7 nang manguna sa la­nguyan (5:52), sa padya­kan (20:07) at takbuhan (13:09). Malayo sa kanyang likuran sina Adrian Dionisio (41:47.6) at Irie­nold Reig Jr. (41:49.0).

Naungusan naman ni Erediano si Marielle Estreba sa stretch ng closing run leg para itakbo ang korona ng girls division ng local junior version ng event.

Nagsumite si Eredia­no ng 43:29.8, kabuntot si Estreba (43:30.5). Pumangatlo si Nicole del Rosario (45:35.5).

Nagsipanalo din sa event na inorganisa ng Sunrise Events, Inc. sina Earol Belonguil at Asia May Araneta (11-12), Carron Canas at Chloie Dairo (9-10) at Al Dustin Bersabal at Eleora Avanzado (6-8).

Panalo sa Play Short category si Charles Potter, sina Jayden Corvera at John Tayros sa Play Long, at Team Paolo at Team Heart sa relay. (Vladi Eduarte)